Kaya pala ayaw sa waiver at sira-gawa sa mga proyekto

ANO ang inaayawan ng nakararami sa mga opisyal ng pamahalaan na pumirma sa waiver na katulad ng pinirmahan ni ex-Chief Justice Renato Corona?

May mga pumirma na kasi ng waiver pero mangilan-ngilan lamang.

Nakararami ang tahimik at may mangilan-ngilan ding nagsasabing pumapayag sila.

Ang problema lang sa mga nagsasabing pipirma sila ay kung kailan nila gagawin yan.

KAYAMANANG TAGO SIKRETO

Sinasabi ng marami na hindi sila korap.

Wala silang nakaw na yaman at wala rin silang itinatago.

May pera man silang piso, wala naman sila ni isang dolyar.

‘Yung kanilang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ay pinirmahan na nila sa lahat ng panahon na naisumite nila ang mga iyon.

At yun na yun.

PAGSUSUMITE OBLIGASYON

Gaya ng naging malinaw sa lahat makaraan ang kasong impeachment ni Corona, obligasyon ng lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na magsumite ng SALN.

‘Yun bang === lahat-lahat nilang yaman at ari-arian.

Pagkapasok nila sa gobyerno at pag-alis nila, dapat nakasumite ang kanilang mga SALN.

Kapag hindi nila gagawin ito, posibleng pagmulan ito ng kaso laban sa kanila.

MALAKING INTRIGA

Sa totoo lang, mga Bro, malaking intriga talaga ang pag-ayaw ng marami na pipirma sa waiver.

Sa waiver kasi, pupuwedeng kalkalin ng gobyerno ang lahat ng iyong ari-arian, maging ang mga impok mo sa bangko.

Ang daming mga palusot ng mga ayaw pumirma.

Syempre naman, may mga ligal silang batayan.

At kung ano-ano ang mga iyon, hayaan natin silang maglabas ng mga batas na proteksyon nila laban sa waiver.

Bakit nga ba sila allergic sa waiver sa SALN?

Bakit nga ba nila ayaw makalkal ng taumbayan ang kanilang mga ari-arian at salapi?

Hehehe. Nakaiintriga sila talaga.

GAWAN NG BATAS

Kung importante talaga yang waiver na yan, dapat na gawan na ng sariling batas.

May batas sa SALN pero hanggang sa obligasyon lang naisumite ito nang buong katotohanan.

Walang dapat na halong kasinungalingan.

Pero ang waiver ay walang sariling batas.

Sa kasalukuyan, personal ito.

‘Yun bang === kung gusto mong silipin o buklatin ng iba ang iyong mga ari-arian at salapi, sige pumirma ka ng waiver.

Kung ayaw mong mapakialaman ka ng iba, huwag  kang gumawa at pumirma ng waiver.

Baka susunod ka kay Corona na masibak sa puwesto.

Kung hindi ka ma-impeach, kay Ombudsman Conchita ka madadale o sa ibang mga piskalya at hukuman.

Hehehe.

MARAMING PROYEKTO

Kahit saan ka pumunta, sa Metro Manila o sa labas nito, ang dami talagang proyektong pang-imprastraktura.

‘Yun bang === pagawa ng Department of Public Works and Highways.

Magandang balita ito sa totoo lang dahil gaganda ang daloy ng trapiko.

Dahil dito gaganda ang negosyo at paglalakbay ng mamamayan.

Isa pa, marami sa mga tulay at kalsada ang itinaas laban sa baha.

Kaya pupuwede nang evacuation center ang iba sa mga ito.

At ito ang dapat na bantayan ng pamahalaan.

Sa halip kasi na gaganda ang daloy ng trapiko riyan, masisira ang mga biyahe ng mga produkto, serbisyo at mamamayan.

KALOKOHAN SA PROYEKTO

Mayroon nga palang puna ang mga mamamayan sa mga imprastraktura.

Ang sabi nila, kagagawa lang ang marami sa mga proyekto, sira na.

‘Yung iba, magaganda pa.

Pero lahat ng ito ay sinisira ng DPWH.

Kasunod ito ng paggawa.

Ang kapuna-puna?

May mga karatula nina kongresman at senador. Proyekto pala nina kongresman at senador ang mga ito.

Meron ding mga proyekto nina gob at mayor.

Kasi mayroong mga nasyonal na proyekto at may mga lokal na proyekto.

‘Yung mga nasyonal ay sa mga kongresman at senador at ‘yung mga lokal ay kina gob at mayor.

GUTOM SA MGA KONTRAKTOR

Sa ibang salita, mga Bro, tuwang-tuwa ang mga kontraktor sa pagsira at paggawa ng mga kalsada.

Ke principal na kontraktor sila o sub-kontraktor o sub-sub kontraktor.

Panlaban umano ang lahat sa gutom.

Kapag patagalin kasi umano ang kalidad ng mga proyekto ng kahit limang taon lamang, marami sa kanila ang magugutom.

Kasamang kakalam ang sikmura ng kanilang mga trabahador.

Pati ang mga kapatas,  inhinyero at mga office boy at girl nila magugutom din.

Mahirap tumigil ang mga kontrata sabi.

MAS GUTOM SINA KONG

Pero sabi nila, mas nagugutom ang mga politiko na may proyekto sa mga kalsada, tulay at iba pa.

Kitang-kita umano ang kanilang gutom sa laki ng kanilang porsyento sa bawat proyekto.

May mga kontraktor nga umanong nalulugi dahil sa mga hinayupak na ito.

KAYA PALA WALANG WAIVER

Ngayon natin naiintindihan kung bakit nakararami ang ayaw pumirma sa waiver.

Lalo na sa hanay ng mga may say sa mga proyekto at pondo ng pamahalaan.

Ang mga korap ay kapatid ng mga magnanakaw na ayaw pumirma ng waiver.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o itawag o i-text sa 092114303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply