Kelot nabaril ng pulis Maynila, kritikal

NAUDLOT ang pagsakay sa barko ng isang 37-anyos na binata bilang seaman nang mabaril ng isang miyembro ng Manila Police Department (MPD) sa isang convenient store sa Pasay City, kaninang madaling araw.

Kritikal ang kondisyon sa Pasay City General Hospital (PCGH) ng biktimang si Jerome Ragot, residente ng Balagbag, Mervrille, Pasay matapos magtamo ng tatlong tama ng bala ng kalibre .45 sa bahagi ng katawan nito.

Nagtamo rin ng sugat sa kaliwang kamay at ginagamot naman sa San Juan De Dios Hospital si PO3 Clay Villaruel, nakatalaga sa Police Station 2 ng MPD at nakatira sa 1506 Paulo St., Park View Homes, Sun Valley, Parañaque City matapos na umano’y agawin sa kanya ng biktima ang kanyang baril.

Batay sa imbestigasyon nina SPO3 Ronald Frades at SPO1 Cris Gabutin ng Pasay City Police Investigation Division, pumasok si PO3 Villaruel sa Mini Mart Convenient Store sa West Service Road Merville upang bumili ng sigarilyo at magpa-load sa kanyang cellphone dakong alas-5:00 ng madaling araw nang madatnan niya ang biktima na umiinom sa loob na naturang establisimyento.

Nang lumabas ang pulis, nakita ng security guard na si Eduardo Abiertas, 48, ang pagsunod ng biktima habang hawak pa ang isang bote ng alak. Nag-usap umano ang dalawa at narinig pa ng guwardiya na pinapapasok na sa loob ng pulis ang biktima hanggang sa umalingawngaw na ang mga putok ng baril.

Humingi ng tulong ang pulis sa security guard dahil inaagaw ni Ragot ang kanyang baril.

Samantala iniimbestigahan pa ng awtoridad ang kaganapan upang alamin ang tunay na motibo ng pamamaril ng pulis sa biktima.

Ayon naman sa ina ng biktima na si Maria Mila Ragot, 59, kawani ng lokal na pamahalaan sa Tacloban City, nakatakda nang kumuha ng pagsusulit ang kanyang anak matapos na mag-apply bilang seaman.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply