Kiko tanggap na palitan si De Lima sa DOJ

NAKAHANDA si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na  palitan si Justice Secretary Leila de Lima bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) pagkatapos ng kanyang termino sa 2013 alinsunod sa planong ibinandila ni Pangulong Benigno Aquino III sa New York nitong Miyerkoles.

Ayon kay Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture and food, handa rin siyang tanggapin kung anong puwesto sa gabinete ang iaalok sa kanya ng Pangulo.

“Kung saan palagay ni PNoy tayo makakatulong, so siya ang magpapasya,”ayon sa senador sa pinadalang text message nito.

Nilinaw naman ng senador na hindi niya kinukursunada ang puwesto ni Agriculture Secretary Proceso Alcala, tulad ng mga naunang napaulat sa media.

“Wala akong nakikitang dahilan para palitan ni PNoy si Secretary Procy bilang DA Secretary at maayos naman ang trabaho niya bilang kalihim,” ani Pangilinan.

Nauna rito, inamin ni Pangulong Aquino sa pagharap nito sa mga miyembro ng Philippine media sa London bago tumulak ng Washington D. C. na balak nitong italaga sa kanyang gabinete sina Pangilinan at Sen. Panfilo Lacson.

“Nagpapasalamat tayo sa kumpiyansa at tiwala na ibinibigay sa atin ni PNoy,”kagyat na reaksyon ng senador nang marinig ang balita.

Si Lacson ay posibleng mailagay umano sa Department of Interior and Local Government (DILG). Ang kasalukuyang kalihim ng DILG na si Jesse Robredo ay na-bypass ng Commission on Appointments (CA), kasama ng apat pang cabinet member, kung kayat kinakailangan na ire-aapoint sila ng Pangulo.

Kapwa magtatapos ang termino nina Pangilinan at Lacson sa Hunyo 2013 at pinagbabawalan silang tumakbo ng re-eleksyon, kasama ng iba pang graduating senators na sina Manny Villar, Edgardo Angara at Joker Arroyo.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply