Koko nangangambang ‘makatatakas’ si GMA

NANGANGAMBA si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na makapagpiyansa at “makatakas” si dating Pangulo, ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos matuklasang humina ang kasong electoral sabotage sa kawalan ng testigo.

“Mas mahina ang electoral sabotage na kinahaharap ni GMA kaysa kay dating Comelec chairman Benjamin Abalos,” ayon kay Pimentel.

Ipinaliwanag ni Pimentel na kung pinayagan ng Pasay City Regional Trial Court na makapagpiyansa si Abalos kahit na “heinous crime” ang kinakaharap nito at maraming testigo laban sa kanya, posible ring payagan na makapagpiyansa ang dating Pangulo na may iisang testigo laban dito.

“Para sa akin bad news that Abalos was allowed to post bail because ang takot ko niyan, susunod na si former President GMA. Kasi sa aking palagay mas malakas ang kaso kay Abalos kaysa kay former President GMA,”ani Pimentel.

“Kay Abalos mayroong mga eyewitness in the plural at least dalawa ang alam ko. Eh kay GMA, isa lang si (dating Maguindanao provincial administrator Norie) Unas lang. And then sa kaso ni Abalos, hindi lang salita, there is even allegations ng mga eyewitnesses na he even brought with him papers etc., samantalang sa kaso ni GMA baka overheard lang yun eh,”

Ipinahayag din ni Pimentel ang pagkadismaya sa Comelec at Department of Justice dahil lumalabas na natalo sila “by default” sa isyu ng bail ni Abalos matapos na hindi naiprisinta ang ebidensiya laban sa dating Comelec chairman.

“I’m not somehow disappointed, I am terribly disappointed,”patutsada ng senador.

Nagbanta rin ang senador bilang chair ng senate committee on electoral reforms and peoples participation na paiimbestigahan niya sa Senado ang kapalpakan ng Comelec at DOJ sa paghawak ng kaso ng dating Pangulo at ni Abalos.

Si dating Pangulong Arroyo ay kasalukuyang nakadetine sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City mula  nang kasuhan siya ng electoral sabotage ng Comelec-DOJ joint team.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply