Kolektor na pekeng pulis

LAKING pasalamat na sana ng vendors dahil nawala na si Jigz Buraot, ang kilabot na kolektor ng Cubao, Quezon City, subalit mas matindi naman ang pumalit dito at hindi na pangalan lang ng hepe ang ginagasgas subalit pati na ang isang maimpluwensiyang relihiyon.

Itong si Larry, nagpapakilalang pulis ng Cubao at naka-assign sa follow-up section, ay nagyayabang sa mga kinokolektahan niya ng lingguhang butaw na vendors (P200)  at barkers (P140) na miyembro siya ng maimpluwensiyang relihiyon kaya’t hindi tulad ni Jigz na kaya siyang sipain ni Supt. Ramon Pranada, station commander ng Cubao Police Station.

Hindi nga lang ginagasgas ni Larry ang pangalan ni Pranada subalit maging ang relihiyong kinaaaniban niya. Malakas umano siya sa nasabing hepe dahil iisa ang kanilang kinabibilangang relihiyon.Yabang pa nito na hati sila sa koleksyong kanyang nakukuha mula sa mga kawawang tao na nagbabanat ng buto para may ipakain sa kanilang pamilya.

Alam kaya ni Col. Pranada na grabeng pagwasak sa kanyang pangalan at pambababoy sa kanyang pagkatao ang ginagawa nitong Larry?

Ayaw kong maniwala na miyembro ng maimpluwensiyang relihiyon si Larry dahil karamihan sa mga kaibigan at kakilala kong kaanib ng nasabing relihiyon ay nahihiyang gumawa ng kalokohan at panlalamang sa kanilang kapwa. Ang totoong mga kasapi ng nasabing samahan ay mahigpit na iniingatan ang pangalan ng kanilang relihiyon.

Pero itong lalaking malaki at lawit ang tiyan na ito ay nagkakanlong ng mga holdaper at snatcher sa Cubao dahil hinihingian din niya ito ng lingguhang payola.

Hindi kaya kinikilabutan ang Larry na ito na gamitin ang pangalan ng maimpluwensiyang relihiyon gayong pagkatapos niyang mangolekta ay nakikipag-inuman siya sa mga alaga niyang masasamang elemento sa bangketa ng Cubao.

Kailangang kalusin na ni Col. Pranada ang kalokohan ng Larry na ito upang malinis na ang kanyang pangalan sa ginagawang pambuburaot nito sa mga maliliit na taong nagbabanat ng buto para kumita sa malinis na paraan.

Kailangang matigil na ang pananakot nito sa mga magtitinda at nagtatawag ng pasahero na ipapakulong ni Col. Pranada kapag hindi nagbigay ng lingguhang butaw.

Itinawag ng Pakurot  sa tanggapan ni Col. Pranada ang reklamo ng mga vendor at barker at kunin na rin ang kanyang panig subalit wala ito sa kanyang tanggapan ayon sa isang Policewoman Soza. Ngunit nilinaw ng pulis na kausap ng inyong lingkod na walang Larry na nakatalaga sa follow-up section ng kanilang istasyon.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply