Labanan sa East umiinit: Celtics naitabla ang serye

UMIINIT ang laban sa 2011-12 NBA Eastern Conference Finals matapos itabla ng Boston Celtics ang serye sa 2-2.

Kinailangan ng Celtics ng isa pang quarter upang paluhurin ang Miami Heat, 93-91 sa Game 4 ng kanilang best-of-seven match kaninang umaga.

Fouled out si Paul Pierce subalit siya pa rin ang nagtimon sa opensa ng itarak nito ang 23 puntos at anim na rebounds habang sinundan siya ni Kevin Garnett na may 17 points at 14 na boards upang hindi mabale-wala ang kanilang homecourt advantage.

Muntik maitakas ng Heat ang panalo kaya lang ay sumablay si Dwyane Wade sa last shot sa three-point area.

May 14 segundo pa ang nalalabi sa overtime, binigyan ng pick si Wade kaya naibato nito ang bola ng maayos subalit kinapos ng bahagya kaya nagsaya ang buong Boston Celtics fans.

Si Rondo naman ang nagtimon sa plays ng Celtics sa loob ng court kaya halos ng naglaro sa kanila ay may puntos.

Nag-ambag si Rondo ng 15 markers, 15 assists at limang rebounds kasama ang layup sa huling 2:34 minuto para makuha ang lamang ng Boston, 92-91.

Nabawasan ang init ng Heat na makuha ni LeBron James ang kanyang ika-anim na foul matapos siyang tawagan ng offensive foul.

Tumikada si NBA MVP James ng 29 pts., anim na rebounds at tatlong assists habang si Wade ay nagtala ng 20 puntos, pitong boards at anim na assists.

Si James ang nagtabla ng score para makahirit ng OT ng isalpak ang trey mula sa pasa ni Wade.

Angat ang Celtics, 61-47 sa first half subalit unti-unting natapyasan ito ng Heat sa third period kung saan ang score ay 73-69.

Bumakas din ng tig-12 puntos sina Udonis Haslem at Mario Chalmers para sa Heat.

Samantala, ang game 5 ay lalaruin sa Miami sa Martes, (Miyerkules ng umaga sa Pilipinas).

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply