Lady chief justice

KUNG pipiliin ni PNOY si BIR Commissioner Kim Henares o Sec. Leila De Lima, alinman sa kanila ang magiging kauna-unahang babaeng Chief Justice ng Korte Suprema. Ngunit marami na ring Lady Justice ang Korte Suprema tulad ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Pinangako ni PNoy na ang pipiliin niya bilang maging Chief Justice ay THE BEST. Kung sakali ba na si Ma’m Kim o Ma’m Leila ang basbasan ni Pnoy, siya kaya ang the best lady justice ng Supreme Court?

Ako’y isang hamak na abogado at dating konsehal lamang ngunit may isa po sana akong mungkahi sa Judicial and Bar Council (JBC) na pwede nilang sukatan ng talino, galing, at mahusay na pagkatao. Walang dungis na panunungkulan noong siya ay nasa pamahalaan at Korte Suprema.

Ang aking wish po bilang abogado at Filipino ay isang katulad ni JUSTICE CECILIA MUÑOZ PALMA ang maging Chief Justice ng bansa.

Nag-aaral pa lamang ng law si Justice Cecilia Muñoz Palma ay hinangaan na siya ni President Manuel Luis Quezon. Na appoint siya sa Korte Suprema noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Noong panahong iyon ay “strongman” si Marcos at lahat ng justices sa Korte Suprema ay di umano’y “bata” niya pero di kailanman natinag, natukso o natakot si Justice Palma sa di umano’y “presidential pressures” noong panahon na iyon para paboran niya ang mga may asunto na malapit sa Malacañang.

Kahit na “decent justice” si Justice Palma, hindi niya kinakatigan ang mga desisyon na sa kanyang palagay ay laban sa kanyang konsensya at hindi naayon sa batas. Sabi nga noon, bilang kauna-unahan at tanging Lady Justice ng Supreme Court — si Justice Palma lamang ang “LALAKI” sa Korte Suprema na walang takot sa mga makapangyarihang politiko noong panahon ni Marcos.

Sayang nga lang at inabutan na siya ng “mandatory retirement age” at hindi niya inabot ang maging Chief Justice. Pero i-appoint kaya siya ni Pres. Marcos noong mga panahon na iyon?

Hindi man naging Chief Justice si Justice Palma ay nagpatuloy siya na maging bahagi ng kasaysayan. Tumakbo siya na assembly woman ng Batasang Pambansa sa Quezon City at kahit kalaban ang makinarya ng KBL noon ay NUMBER ONE si Justice Palma.

Noong panahon ni President Cory Aquino ay pinamumunuan ni Justice Palma ang Constitutional Commission na bumalangkas ng ating 1987 Saligang Batas. Pinamunuan niya rin noon ang PCSO.Mahirap tapatan ang kagalingan, katalinuhan at katangian ni Justice Cecilia Muñoz Palma. Karangalan ang maihalintulad sa kanya.

Pero kung ang hanap natin ay THE BEST CHIEF JUSTICE, isang mainam na sukatan si Justice Palma. Mahirap pamarisan pero dapat katulad niya.
Kritikal ang pagpili ni PNOY ng Chief Justice.

Ngayon pa lang ay may mga usapusapan  na “bata” ng Malacañang ang itatalaga. Ngayon pa ay may “tanong” na sa bumubuo ng JBC. Pero matatahimik ang lahat at katanggap tanggap kung ang susunod na Chief Justice ay tulad ni Justice Cecilia Muñoz Palma.

Pero mayroon kaya sa mga kasalukuyang nominado?

Sayang, si Justice Cecilia Muñoz Palma ang THE BEST CHIEF JUSTICE THE COUNTRY NEVER HAD!

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply