Libelo, Right to Information at Data Privacy Act

NATAPOS na ang impeachment ni Corona na pinagsunugan ng kilay ng mga mambabatas na tagausig at huwes.

Umatras na si Corona sa laban at nais na nitong magkaroon ng pribadong buhay makaraang mapatalsik sa Korte Suprema.

Nagtagumpay ang mga mambabatas sa Kamara at Senado sa kanilang isang mahalagang trabaho, ang mandisiplina ng isa sa mga impeachable official ng mahal kong Pinas.

Sa ganitong kalagayan, nais naman ng sambayanan na lingunin ang kanilang gawain bilang tagahubog ng mga batas na kinakailangan ng mamamayan.

KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG

Para sa mediamen at mamamayan na nagnanais ng pagbabago, gaya ng ninais na palabasin ng mga mambabatas sa kasong impeachment, isa sa mga concern nila ang kalayaan sa pamamahayag.

Sa kalayaan sa pamamahayag ay naihahayag ang katotohanan, kabilang na ang mga kabulukan ng mga mambabatas  at gawain ng mga kriminal.

Ngunit nasisiper ang bunganga at nagagapos ang mga kamay ng mga mamamahayag at mamamayan sa paghahayag ng katotohanan dahil sa libelo.

Sa pamamagitan ng libelo, tinatakot at ipinakukulong ng mga tarantado sa gobyerno at kriminal ang mga mediaman at mamamayan upang hindi mailabas ang mga katotohanan sa kabulukan at krimen sa media.

DECRIMINALIZED LIBEL

Para magkaroon ng epektibong pagkilos ng mga mamamahayag at mamamayan, matagal nang hinihiling sa Kongreso ang dekriminalisasyon ng libelo.

Yung bang === dapat na walang parusang kulong.

Kung magkakaroon man, pupuwedeng administratibo at sibil.

Pupuwede kang matanggal sa trabaho o masuspinde o magbayad ng danyos.

Ngunit ewan natin kung bakit ni ha ni ho ay wala tayong naririnig mula sa mga mambabatas.

Mukha pa nga yatang ininiksyunan na nila ng cyanide ang kahilingang dekriminalisasyon para hindi na kailanman ito mabubuhay sa Kongreso.

At upang tuloy-tuloy ang ligaya ng mga korap at criminal?

RIGHT TO INFORMATION

Pinanatili na nga ng mga mambabatas na gawaing kriminal ang paglalabas ng katotohanan sa bisa ng kasalukuyang batas sa libelo, inaalisan pa nila ang mediamen at mamamayan ng karapatan na umalam sa kabulukan sa pamahalaan at criminal na mga gawain.

Akalain ba nating inaamag na sa Kongreso ang panukala para sa karapatan ng lahat na magkaroon ng kalaaman lalo na sa mga transaksyon ng mga opisyal at tauhan ng pamahalaan, kasama na ang kanilang posibleng pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen.

‘Yang Right to Information ay wala sa bokabularyo ng mga mambabatas.

Ngunit kung sila ang concerned, kahit sa iligal na paraan ay ginagawa nila para lang maigiit nila ang kanilang mga “right to information.”

Naganap ito sa kaso ni Corona nang nagkaroon ng mga leakage sa peso at dollar accounts nito sa ilang bangko.

Nakapagtatakang hanggang ngayon ay hindi maibigay-bigay ng mga mambabatas ang karapatang ito sa mamamayan na kanilang ini-enjoy nang husto gaya sa kasong impeachment.

DATA PRIVACY ACT

Hindi nakuntento ang mga mambabatas, ang bibilis nila ngayon sa pagpapasa ng Data Privacy Act.

Sa panukalang batas na DPA, ang daming mga usapin na hindi pupuwede umanong pakialaman ng media at mamamayan.

Kabilang na rito ang sakit ng isang tao, ang rekord ng mga kompanya lalo na ng mga business process outsourcing.

Isinama na rin dito ang mga “political affiliation” at napakaraming bagay na maaaring maituring na public interest.

Sa DPA, bawal ang maglabas ng balita sa internet ukol sa mga ito.

At kung lumabas ito sa mga pahayagan, radio, telebisyon at on-line na mga dyaryo gaya ng Remate On-Line o International, lahat ng mga reporter at editor ay pinananagot.

May kulong na ngang hanggang limang taon, pagbabayarin pa ang mga reporter at editor nang hanggang sa P2 milyon.

ANAK NG MGA BUWAYA

Anak ng mga buwaya ang mga mambabatas.

Gusto ng mga mamamahayag at mamamayan na maging malaya sila sa pamamahayag upang makatulong sila nang husto sa gobyerno laban sa korapsyon at krimen.

Sa halip na umaksyon ang mga ito para rito, yang gumawa ng mga batas na panggipit sa mediamen at mamamayan ang pinaggagawa ng mga ito.

Pinanatili nilang patay ang petisyon para sa dekriminalisasyon ng libelo.

Pinananatili naman nilang naghihingalo ang panukala para sa Right to Information.

At ngayon, naririyan ang tahasang pagbabawal ng mga posibleng balita na maaaring mahalaga sa buong bayan sa bisa ng DPA.

Ano-ano kaya ang mga dapat na gawin ng mediamen at mamamayan?

AKSYON SA 2013

Sa kabila ng lahat ng ito, may magagawa naman ang mediamen at mamamahayag upang maituwid sa tamang daan ang lahat.

Malapit na ang halalang 2013.

Marami sa mga mambabatas sa Kamara at Senado ngayon ang reelectionist.

Yung iba kakandidato sa ibang posisyon.

Maganda sigurong ilista ang ngalan ng lahat ng mga kongresman at senador na pumapatay sa panukalang batas na dekriminalisasyon ng libelo at right to information at pumapatay sa kalayaan sa pamamahayag sa pamamagitan ng DPA.

Kapag nalaman natin ang ngalan ng mga ito, i-publish at i-broadcast natin sa ating mga pahayagan, radio, telebisyon at internet ang lahat ng ito.

Saka tayo mangampanya na huwag silang iboto at kailangang palitan ng mga nagmamalasakit sa bayan, sa kalayaan sa pamamahayag na buom-buong karapatan ng mamamayan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply