Lifestyle check sa mga pulis na abs

MADALAS sa hindi, maliliit ang kinakayang biktimahin ng panghaharass at pagmamalupit ng mga pulis na dapat sana ay silang nagbibigay ng proteksyon sa mga mamamayan.

Ang mga pulis na dapat takbuhan ng mamamayan sa oras ng kagipitan sa usaping kaayusan at katahimikan ay sila pa ang madalas na nasasangkot sa kaguluhan.

At palasak na ang katwiran na kaya lang nagawa ng mga alagad ng batas na ito ang kalokohan ay dahil baon sa utang bunga ng maliit na suweldong natatanggap sa pamahalaan.

Aminin man o hindi ng pamunuan ng Philippine National Police, malaki na ang suweldo ng PNP at patuloy itong tumataas sa pag-usad ng panahon.

Kaya paanong sasabihin na ang suweldo ang ugat ng pananamantala ng mga abusadong pulis?

Hindi kaya dahil na rin sa kanilang estilo sa pamumuhay kaya’t nababaon sa problemang pinansiyal ang mga ito?

Dahilan upang maka-isip sila ng kalokohan na nagiging daan upang gumawa sila ng kawalanghiyaan sa kanilang kapwa.

Sa totoo lang, maraming mga miyembro ng PNP, commissioned o non-commissioned officer, ang lulong sa iba’t ibang klase ng bisyo.

Hindi lang naman droga ang dapat isipin kapag binanggit ang salitang bisyo.

Puwede rin itong maging ABS (alak, babae at sugal) na daan  upang masira ang buhay at pamilya ng isang pulis.

May mga pulis na hiwalay sa kanilang asawa at mga anak dahil sa bisyo tulad ng sabong, casino, karera ng kabayo at pambababae.

Meron ding hiwalay dahil sa pananakit sa asawa ‘pag nasa impluwensiya ng alak at droga.

Sa pamunuan ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome, dapat masimulan ang mga hakbangin na dapat sumugpo sa paggawa ng masama at pag-iwas sa bisyo ng mga tauhan ng PNP.

Makabubuti sigurong maging makatotohanan ang isinasagawang lifestyle check sa mga pulis upang maging matagumpay ang mga hakbanging mabago ang paningin ng mga tao sa “men in uniform.”

Simulan sana ito sa mga opisyal na madalas makita sa mga sabungan, off-track at casino bukod pa sa mga night club.

Kailangang mapatunayan na walang kinikilingan at sinisino ang pamunuan ng PNP.

Ilang beses na rin namang ipinagyabang ng PNP ang lifestyle check sa kanilang mga miyembro subalit tanging maliliit ang tinatamaan dito at hindi ang mga nasa itaas na silang tinitingala at pinamamarisan ng mga mabababa.

oOo

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal?

Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply