Lindol minomonitor ng Malakanyang

PATULOY na mino-monitor ng Malakanyang ang sunod-sunod na mga aftershocks na naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), kasunod ng magnitude 6 na lindol na yumanig sa malaking bahagi ng Luzon, kasama na ang Metro Manila.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na mino-monitor nilang mabuti ang bagay na ito sa kabila ng wala namang naitalang pinsala ang nasabing lindol.

“Usually the first report from PHIVOLCS would consist of technical information, magnitude, epicenter.Susunod damage assessment. Wala pa nakuha so far,” ayon kay Usec. Valte.

Sa ulat, sa latest seismic events na naitala ng ahensiya, naramdaman ang magnitude 3 na aftershocks sa bahagi ng Candelaria, Zambales.

Una rito, niyanig ng Intensity 4 quake ang lugar ng Makati City; Bolinao, Pangasinan; Candelaria, Zambales; Dagupan City at Villasis sa Pangasinan, kasunod ng magnitude-6 quake, alas-6:18 ng umaga ng Linggo.

Habang Intensity 3 naman ang naramdaman sa Quezon City, San Fernando, La Union at Iba, Zambales.
Intensity 2 naman ang naitala sa Bacoor, Cavite at Plaridel, Bulacan.

Pero ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Dir. Benito Ramos, wala namang naiulat na nasaktan o napinsala sa nasabing mga pagyanig.

Natukoy ang epicenter nito sa 94 kilometro (58 miles) timog-kanluran ng Dagupan; 109 kilometro (67 miles) hilagang kanluran ng Olongapo City o 182 kilometro (113 miles) hilagang kanluran ng Maynila.

May lalim itong 35.3 kilometro (21.9 miles) at posibleng masundan ng aftershocks.

Nabatid na tectonic ang pinagmulan ng lindol o resulta ng paggalaw ng fault line sa kanlurang bahagi ng Luzon.

Hindi naman nagtaas ng tsunami alert ang Phivolcs.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply