Lisensya ng Steadfast recruitment agency kinansela

SA WAKAS, tuluyan nang kinansela ng Philippine Overseas Employment Administration ang lisensya ng Steadfast International Recruitment.

Noong 2011, isinapubliko ng Bantay OCW ang kuwento ng umaabot sa 40 reklamo laban sa nasabing ahensya.

Batay sa mga sumbong, mabilis sa pangangako ang Steadfast ng mga trabaho sa ibayong-dagat at agaran din silang humihingi ng P30,000 hanggang P50,000 bilang processing fee.

Ang mga kawawa naman nilang aplikante, hintay nang hintay. Ang iba nga sa kanila, nagawa pang maghintay ng ilang taon ngunit sa huli, hindi naman napaalis ng Steadfast agency.

Nagmula ang mga reklamo sa mga aplikante na pinangakuan ng ahensya ng trabaho bilang waiter at waitresses sa Singapore, nursing assistants sa Taiwan, computer professionals sa Qatar at caregivers sa Cyprus.

Walang job order ang mga trabahong inaalok nila mula sa POEA dahil “direct hire” jobs ang mga ito. Nabiktima ang karamihan sa kanila sa pamamagitan ng online posts ng Steadfast agency sa www.workabroad.ph.

Nagsimulang dumagsa sa Bantay OCW ang mga reklamo laban sa Steadfast agency noong Setyembre 24, 2010 nang nagtungo sa ating programa ang limang bagong graduate sa kolehiyo at first time OFW applicants upang humingi ng saklolo.

Inalok umano sina Leo Balmeo, Christopher Baguio, Elaine Margareth Ubaldo, Jenelyn Gacutan at Pamela Chian ng mga trabaho bilang waiter at waitresses sa Singapore ng nasabing ahensya. Dumaan sila sa proseso ng recruitment at screening, nagbayad ng mga kinakailang fees mula P40,000 hanggang P50,000 at naghintay ng anim hanggang siyam na buwan ngunit hindi naman napaalis at nakapagtrabaho sa ibang bansa.

Agaran namang umaksyon ang inyong Bantay OCW sa mga reklamo ng ating mga biktima at nagtungo sa opisina ng Steadfast agency sa Taft Avenue, Manila. Naging positibo naman ang bunga ng pakikipag-usap ng inyong programa sa ahensya at naibalik sa lima nating kabataan ang kabuuang perang binayad nila sa Steadfast.

Matapos itong maisapubliko sa isang episode ng Bantay OCW sa telebisyon, lalong dumami ang mga aplikante ng Steadfast agency na dumulog sa ating tanggapan upang humingi ng tulong dahil dinanas din nila umano ang pinagdaanan ng mga nauna nating complainant sa nasabing ahensya.

Hindi naman natinag ang Bantay OCW at nagpatuloy tayo sa pagkakaloob ng tulong sa mga complainant laban sa Steafast. Agaran naman nakipag-ugnayan ang inyong programa sa POEA at matapos ang ilang pagdinig sa kaso, naibalik din ang mga perang ibinayad ng ating mga kababayan sa Steadfast.

Hindi natapos ang pagdagsa sa ating tanggapan ng mga aplikanteng nagrereklamo sa Steadfast agency noong 2010. Mas malalim naman na imbestigasyon ang isinagawa ng Bantay OCW nang dumulog sa atin sina Catherine Dagdag, Shy Cantillon, Joy Castro, Jesabel Columbino, Trazy Sarmiento, She Macalma at tatlo pa niyang kasama upang ireklamo ang ahensya noong Mayo 18, 2011. Kinabukasan sinamahan ng grupo ng Bantay OCW ang siyam na complainant sa POEA upang magsampa ng pormal na reklamo laban sa Steadfast.

Muling nakatanggap ang Bantay OCW ng karagdagang apat na reklamo laban sa Steadfast noong Hunyo 2011. Dahil sa hindi matigil na pagtungo ng mga aplikanteng nagrereklamo sa kanila, nagpasya na ang inyong programa na isama ang mga complainant sa POEA at kausapin mismo ang dating administrator na si Carlos Cao.

Ikinagulat din namin noong mga panahong iyon nang malaman namin na nakapag-renew pa ng lisensya ang Steadfast agency para sa susunod na apat na taon, mula Hunyo 11, 2011 hanggang Hunyo 11, 2015, sa kabila ng 18 kaso na nakabinbin sa POEA Adjudication Office, hindi pa kabilang ang mga kaso na diringgin sa conciliation.

Akala nami’y matatapos na ang pambibiktima ng Steadfast subalit hindi dahil may dumagdag na naman sa napakahabang listahan ng mga nagrereklamo laban sa nasabing ahensya.

Batay sa mga complainant, karaniwan nang hindi nagpapakita ang ahensya sa kanilang mga pagdinig kaya naman tila pinatatagal lang nila ang paghihirap ng mga nabiktima nila habang sila’y patuloy na nangangalap pa ng mga biktima at nangongolekta ng pera para naman may pondo silang gagamitin para ibalik sa mga nauna nilang nabiktima.

Ngayon, tila abot-kamay na ng mga biktima ang hustisya na para sa kanila. Nakumpirma ng inyong Bantay OCW mula sa POEA na kanselado na ang lisensya ng Steadfast agency simula pa noong Mayo 25, 2012. Salamat naman!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply