Lupa’t bahay ni Erap sa Manila walang record sa BIR

NAWAWALA ba o sadyang wala naman talagang ‘deed of absolute sale’ sa sinasabing bentahan sa bahay at lupang binili ni former President Joseph Ejercito Estrada at ng isa sa mga anak ng multi-millionaire Legarda family sa Maynila matapos mabunyag na walang pumasok o nakulektang P6 milyong buwis sa capital gains tax at documentary stamp tax ang Quiapo-Sta. Mesa Revenue District office ng Bureau of Internal Revenue sa Maynila.

Una nang ipinahayag noong nakaraang buwang Mayo ni Estrada, dating mayor ng San Juan City, senador at vice-president ng bansa, na bumili ito ng halagang P80 milyong house and lot sa Maynila bilang paghahanda sa planong pagtakbo bilang alkalde sa 2013 para mapababa sa puwesto si Manila Mayor Alfredo Lim, ang tinaguriang ‘Dirty Harry.’ Si Erap ay binansagang ‘Asiong Salonga’ ng Maynila.

Nagbunsod ito upang habulin ni Quiapo-Sta, Mesa Revenue District Officer at  CPA-Lawyer Claire Baldonado-Corpus ang ‘seller’ ni Erap sa sinasabing biniling lupa’t bahay. Pero tila lumilitaw na walang ‘record’ na naitala sa BIR na nagkaroon ng bilihan sa pagitan ni Erap at seller na isa sa mga anak ng mayamang angkan ng ‘Legarda family.’ Kung totoong nagkagilihan ng sinasabing house and lot sa halagang P80, maliwanag na P6 milyon sana ang buwis na makukulekta ng BIR mula sa share nito sa capital gains tax at documentary stamp tax.

Hinala ng BIR na ito ay ‘drawing’ lamang o isang ‘political propaganda’ matapos magkandahilo sa paghahanap ng dokumento ang BIR. Ilang ulit na rin umanong tinangka ng BIR na sadyain sa mismong bahay si Erap sa San Juan City, gayundin ang mga Legarda sa Maynila nguni’t walang kongretong pahayag sa dalawang kampo sa sinasabing pormal na bilihan at bentahan ng nasabing property.

Duda ang marami kung si Erap ay talagang tatakbong mayor sa Maynila o gusto lamang nitong sindakin si Mayor Lim.

Ipinahayag kamakailan ng isang anak ni Erap na dapat ay magpahinga na lamang sa pulitika ang kanyang ama dahil sa edad nito at hayaan na lamang sa mga bagong sibol na pulitiko ang pulitika sa Maynila. Mas mainam, anila, na manatiling respetadong ‘stateman’ si Erap, gaya nina retired political kingpin Senators Jovito Salonga, Aquilino Nene Pimentel Jr., former President Fidel Ramos, former Ambassador Eduardo Danding Cojuangco at iba pa.

Magsisilbing dagok lamang, anang mga observers, sa panig ni Vice-President Jejomar Binay o sa posibilidad ng pagguho sa isinisilang pa lamang na partidong UNO kung sakaling mabigo si Erap na masungkit ang mayoralty race sa 2013.

Anila, wala naman daw dapat baguhin o ayusin sa Maynila si Erap dahil di-hamak na napakalaking pagbabago at kaginhawahan ang naidulot ng Lim administration sa kapakanan ng taong-bayan sa Maynila, lalung-laluna sa panig ng mga maralitang taga-lungsod.

Si Erap ay tatakbo sa ilalim ng pinagsanib na puwersa ng kanyang partidong Masang Pilipino at Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan sa political umbrella ng UNO ni Vice-President Jejomar Binay, samantalang si Mayor Lim ay official bet ng political merger ng ruling Liberal Party ni Department of Transportations and Communications Secretary Mar Roxas at Nationalista Party titular head Senator Manny Villar.

Ang ‘Dirty Harry’ versus ‘Asiong Salonga’ political clash sa Maynila ay itinuturing na ‘madugong labanan ng dalawang higanteng lider ng bansa’ matapos na ideklara ni Erap na ang vice-mayor na Lim na si Isko Moreno ang kanyang magiging running-mate, samantalang umugong ang posibilidad na mismong si Senator Villar ang tatakbong bise-alkalde ni Mayor Lim para masiguro ang panalo nito.

Sa computation ni BIR-RDO Claire Baldonado-Corpus, sinabi nitong kung ang naturang property ay nabili sa halagang P80 milyon, pumapatak na P6 milyon ang dapat nitong bayaran sa capital gains tax at sa documentary stamp tax.

Gayunman, nilinaw ni RDO Corpus na labis siyang nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na dokumento sa naganap na bilihan hangggang sa sumagi sa kanyang isipan ang katanungang: “totoo kaya o gimik lamang ng kampo ni Erap ang sinasabi nitong pagbili ng property.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply