Mag-ingat sa kidlat at Ford magsasara

GRABE ang mga kulog at kidlat sa mga araw na ito.

Sa pinakahuling ulat, lima na ang patay sa nakalipas na apat na araw.

Dalawa ang namatay sa San Mateo, Rizal habang isa sa Urdaneta, Pangasinan.

Pinaniniwalaan ding namatay sa kidlat ang dalawang katao sa Coron, Pala-wan.

Sino ang susunod?

Sana wala na.

MALAKAS NA KURYENTE

Paliwanag ng mga awtoridad, malakas na boltahe ng kuryente ang kidlat.

Tatlong beses na mas malakas sa kuryenteng ginagamit natin ang lakas ng kuryente ng kidlat.

Kaya kapag tinamaan ka ng kidlat, uusok ka sa pagkasunog.

Kahit ang mga kalabaw at puno na tinatamaan nito, nasusunog din.

Umuusok din sila dahil sa sunog mula sa kidlat.

TALO ANG KATAWAN

Sabi ng mga awtoridad, may umaandar na kuryente sa ating katawan.

Pero kapag tinamaan tayo, natatalo ang ating mga kuryente.

Kaya naman tumitigil ang ating puso, kidney at iba pang gumagalaw na mga parte ng ating katawan.

Tumitigil na nga, nasisira pa ang mga ito na nagbubunga ng pagkasira ng buong katawan natin.

Kung isasama ang pagkasunog natin, diyan tayo namamatay o napaparalisa habambuhay.

PABORITONG BIKTIMA

Ang nasisilip ng kidlat na pinakamataas na bagay sa isang lugar ang paborito ng kidlat na biktimahin.

Sa mga bukid, naririyan ang mga punong kahoy, kubo at iba pa.

Naririyan din ang mga tao at hayop kagaya ng kalabaw.

Sa mga kabahayan, una na tinatamaan ang mga mas mataas na gusali.

Sa mga eroplano, may lightning rod ang mga ito na sumasalo sa kidlat.

Marami ring lightning rod sa mga gusali.

May lightning rod din ang mga barko.

Sa mga ordinaryong bahay, may inilalagay na magkakapares na matutulis na bagay sa mga bubong.

May inilalagay pa ngang alambre na pandugtong sa mga ito.

Lightning rod din umano ang mga ito.

MGA POSIBLENG GAWIN

Gaya ng nabanggit natin, tingnan kung paano tayo makagagawa ng mga lightning rod sa ating mga bahay.

Inuulit natin, pansalo ng kuryente ng kidlat ang bagay na ito.

Kung sa palagay natin ay nasa lugar tayo na mismo ang pinakamataas gaya sa kabukiran, mabuti pang
kumaripas tayo nang takbo at umuwi… kung pupuwede.

Kung hindi, yumuko na lang tayo at tingnan ang ating level sa mga nakatayong matataas na bagay sa lugar.

Hangga’t makakayanan, iwanan ang mga matutulis at yari sa bakal, yero o aluminum na hawak natin.

Dahil malalakas na daluyan ng kuryente ang mga ito.

Sabi ng mga matatanda, takpan ang mga salamin ha-bang kumikidlat.

Anong malay natin na tama sila?

Hindi masama ang sumunod sa mga nakatatanda. Hehehe!

At siyempre, huwag dumikit sa mga puno, poste ng kuryente at iba pa sa lugar na kinaroroonan mo habang kumikidlat.

Kung natamaan ka pa rin, talagang tinatawag ka na talaga ni Lord.

FORD MAGSASARA

Medyo nabigla tayo sa balitang magsasara na ang planta ng Ford Philippines sa mahal kong Pinas.

Itong Ford ang gumagawa ng mga sasakyang Expedition, Everest, Focus, Escape at iba pa.

Ang balita natin, ‘yang Ford Escape na lang yata ang gagawin sa Pinas. Lilipat ang planta nito sa Thailand.

Kung magsasara ang nakararaming bahagi ng planta, sinasabing nasa 250 katao ang mawawalan ng trabaho.

Tsk! Tsk! Tsk! Malaki-laking bilang yan ng mga obrero na mawawalan ng trabaho.

NAGSILIPATAN SA FORD

Bigla nating naalala ang ilan nating kaibigan na welder, mekaniko at iba pa na lumayas mula sa Toyota nang magtayo ang Ford ng planta sa Pinas.

Sabi nila, mas matatag ang Ford dahil kompanyang Kano ito. Mas kuripot umano ang mga Hapon sa sahod man o sa mga benepisyo.

At ang paniniwala nila no-on, mas matatag ang Ford kaysa Toyota.

Tinanggap naman sila ng Ford. Nagsilipatan nga sila ng tirahan mula sa Metro Manila at lumapit sila sa Laguna.

KAWAWANG OBRERO

Sana naman, hindi kasali ang mga kakilala natin sa mga masisibak na obrero sa kompanyang ito.

Mahirap ang mawalan ng trabaho, sa totoo lang.

Kung nangungupahan lang sila, tiyak na mapalalayas sila lalo’t napakahirap ang maghanap ng kapalit na trabaho.

Hihinto sa pag-aaral ang mga bata, hihinto ang pambayad sa mga hulugan na gamit mula sa mga sasakyan at hulugan na ring mga utang.

Pinakamatindi, mga Bro, ang palaman ng sikmura.

Paano ang pagkain ng buong pamilya at iba pang umaasa sa mga obrerong masisibak? Mahirap ang mabuhay sa kagutuman.

Mababaliw ka na, mamamatay ka pa.

At kung nagkasakit ang mga obrero at ang kanilang mga pamilya, ano na lang ang mangyayari sa kanila.

Baka kung mamalasin sila, eh, yung mga embalsamador pa ang kanilang mga makausap sa huling mga araw.

GOBYERNO MAGHANDA

O kayong nasa gobyerno, paghandaan na ang pangyayaring ito at ang itutulong ninyo sa mga obrero.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply