Maralitang lungsod sumugod sa HUDCC

SUMUGOD ang grupo ng mga maralitang lungsod sa tanggapan ni Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Jejomar Binay upang kondenahin ang ginagawang solusyon ng gobyerno sa pagresolba sa problema ng papalaking bilang na maralitang walang tahanan at kabuhayan.

“Nakakagalit ang estilo ni HUDCC Chair at Vice President Jejomar Binay sa naganap na 5th Global Housing Finance Conference sa Estados Unidos, kung saan kaming mga maralita ang ginawang sangkalan para lang makapanghikayat ng mga dayuhang kapitalista at tuluyang iasa sa mga kapitalista ang responsibilidad ng gobyerno sa serbisyong pabahay ng mga maralitang Pilipino.” Ito ang pahayag ni Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at lead convenor ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD).

Ipinagmalaki ni Binay ang pagpayag ng World Bank (WB) na pondohan ang ilang pangangailangan sa paninirahan ng informal settlers. Nanghikayat rin ito sa nasabing pagtitipon na mamuhunan sa paninirahan at iba pang aspeto ng ekonomiya sa Pilipinas.

“Ang iskemang pag-asa ng gobyerno sa pribadong sektor at pagpapautang mula sa dayuhang institusyon upang tugunan ang pangangailangan sa paninirahan ng mamamayan ayon sa Millenium Development Goal ay hindi umubra kahit sa mga industriyalisadong bayan katulad ng naging krisis sa paninirahan sa Estados Unidos. Lalo lamang tayong mababaon sa utang,” ani Badion.

“Nagbabadya ng panibagong banta ng malawakang demolisyon ng mga maralitang komunidad sa buong bansa ang patakarang pagpapaubaya ng gobyerno sa responsibilidad nito sa paninirahan sa pribadong sektor sa kaayusang Public-Private Partnership (PPP). Ang pangunahing layunin ng mga pribadong negosyante ay ang kumita ng tubo sa kanilang negosyo, at hindi pa ang pagbibigay ng serbisyo,” dagdag pa ni Badion.

Ayon kay Badion, imposibleng mabayaran ng mga maralitang Pilipinong walang regular na trabaho at kabuhayan ang mataas na presyo ng ipapatayong mga kabahayan sa balangkas ng PPP.

“Ang mas masahol pa, nakabalangkas ang plano ng gobyerno na pagtugon sa pangangailangan sa paninirahan batay sa ‘default option’ nito na alisin mula sa mga pampublikong lupain ang mga maralitang lungsod at dalhin sa malalayong relokasyon. Nais ng pamahalaan na bigyang-daan ang mga proyektong impraistruktura at diumano’y pangkaunlaran samantalang magwawalis naman ito sa mga maralitang komunidad at sasalanta sa kabuhayan ng mga pamilya rito,” dagdag pa ni Badion.

“Ang sinusunod ni Aquino ay ang imposisyon ng mga dayuhang pampinansyang institusyon katulad ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) upang makapanghikayat ng dayuhang pamumuhunan kahit ito ay kontra-maralita. Malinaw para sa aming maralita kung sino ang pinagsisilbihan ng gobyernong ito. Hindi kami kinakatawan ng gobyernong Aquino,” pahayag ni Badion.

“Ngunit ang paghikayat sa mga dayuhang kapitalista upang maglagak ng pondo sa pagtatayo at pagbebenta ng bahay  ay magbibigay-daan lamang sa panibagong paglaban ng mga maralita para sa karapatan sa kabuhayan at paninirahan,” ani Badion.

“Ang kagyat na solusyon sa problema ng paglobo ng mga maralita ay ang  pagbibigay ng gobyerno ng makabuluhan at nakabubuhay na sahod at pagtitiyak sa abot-kayang mga batayang serbisyo. Sa pangmatagalan, ipatupad ang tunay na reporma sa lupa na siyang magiging pundasyon para sa pagtatayo ng pambansang industriyalisasyong maglilikha ng mga pangmatagalang trabaho at magpapaunlad ng lokal na ekonomiya. Dito lamang unti-unting mapapawi ang pagdami ng maralitang walang tahanan,” sabi ni Badion.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply