Matindi ang koneksyon at pangangailangan

NAPAKATINDI naman ng pangangailangan nitong kagawad ng barangay 373 sa Maynila na si Bobby Mercado dahil hindi lang pagbebenta ng expired na gamot kung saan napakalaki ng kanyang kinikita ang kanyang raket subalit maging smuggling ay napasok na rin niya.

Gamit ni Mercado ang isang orphanage bilang beneficiary kung saan dapat ay dito dapat babagsak ang mga donasyong gamit galing sa ibang bansa upang pakinabangan ng mga batang ulila. Malaki umano ang pakinabang ni Mercado sa bahay ampunan dahil ginagamit niyang pasaporte ito upang makalusot sa binabayarang malaking buwis sa Bureau of Customs.

Ang masaklap nito, binabahaginan lang daw ni Mercado ng kakarampot na mga donasyon ang mga madreng namamahala sa mga batang ulila at ang malaking bahagi ay ginagawang pera na ng nasabing kagawad. Sa madaling salita, isinasalya niya o ibinebenta ang mga gamit na donasyon upang gamitin ng mga bata.

Nabuking na ng mga madre ang iligal ni Mercado kaya’t pumalag na ang mga ito at bumitiw na kay Mercado. Ngunit ang hindi alam ng mga madre ay patuloy pa rin ang kagawad sa paggamit ng orphanage sa kanyang smuggling activities. Tuloy pa rin ang parating sa kanya ng mga epektos. Iyon nga lang solong-solo na niya ang lahat ng kita dahil wala na siyang binibigyan ng kaunting donasyon.

Yabang pa ni Kagawad Mercado na hindi siya kayang arestuhin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil malaki ang naging pakinabang ng mga ito sa kanya nang mamudmod siya sa mga ito ng daan-daang libong piso. Ganoon? Aba’y dapat niyang mabatid na hindi ito palalampasin ni PDEA director Undersecretary Jose Gutierrez dahil ayaw nito na nababahiran ng dungis ang kanyang pangalan lalo na ang ahensyang kanyang pinaglilingkuran.

Kinakaladkad din nito ang pangalan ng kanyang financier na hipag ng isang mataas na opisyal ng isang television network. Kayang-kaya raw siyang protektahan nito dahil malakas sa pamahalaan ang kanyang padrino.

Dapat nang matigil ang pagbebenta nitong opisyal ng barangay na ito ng mga expired na gamot mula sa isang bodega sa Malabon sa mga maliliit na botika sa Kamaynilaan at mga doktor sa iba’t ibang pagamutan. Lubhang delikado ito sa kalusugan ng mga makakabili at iinom ng gamot. Dapat kumilos ang Department of Health (DoH) at Food and Drugs Administration (FDA) dahil posibleng may epekto ito sa utak ng mga pasyente kung hindi man ay posibleng makamatay.

Marami pang lalabas na baho si Kagawad dahil marami ang nag-text sa Pakurot ng kanyang mga masamang gawain. Lamang nais ng mga ito na mabigyan sila ng kaukulang proteksyon laban sa maaaring gawin sa kanila at kanilang pamilya ng mga tauhan ng makoneksyong kagawad ng barangay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply