May sakit na OFW sa Saudi balik-Pinas ngayon

NAKATAKDANG bumalik ngayong araw sa Pilipinas ang isang may sakit na overseas Filipino worker (OFW) matapos ang 23 taon ng pagiging obrero sa Saudi Arabia.

Ayon kay Philippine Ambassador to Riyadh Ezzedin H. Tago, nabigyan na ng exit clearance si Nemesio Valencia, 65 anyos, matapos na ayudahan ito ng embahada at ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Pinasalamatan naman ni Valencia ang mga opisyal ng embahada sa tulong na ibinigay upang makabalik ito ng Maynila.

“Nagpapasalat po ako kay Ambassador Tago at sa embassy sa tulong na ibinigay nila sa akin. Nasasabik na po akong makita ang pamilya ko sa Batangas,” pahayag pa ni Valencia matapos na ihatid ito sa paliparan sa Saudi Arabia.

Hindi naman nabanggit ng embahada kung ano ang eroplanong sinakyan ni Valencia pabalik ng Pilipinas.

Sinagot ng embahada ang 8,000 Saudi Riyals bilang immigration penalties ni Valencia makaraang hindi na nito na-renew ang kanyang igama visa, gayundin ang pamasahe sa eroplano ng may sakit na OFW.

Bago bumiyahe, pinasuri muna si Valencia sa mga doktor upang matiyak na kaya nitong maglakbay pabalik ng Maynila, kasama ang isang kawani ng embahada.

Taong 1989 unang dumating sa Saudi Arabia si Valencia at makalipas ang tatlong taon ay tumakas ito sa kanyang Saudi employer.

Naging taxi driver si Valencia sa Saudi, subalit tumigil ito sa pagtatrabaho dahil na rin sa karamdaman.

Nalaman lamang ng mga opisyal ng embahada ang kalagayan ni Valencia matapos na ibalita ng grupong Migrante Middle East ang masaklap na sinapit nito sa nasabing bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply