Media protektado sa Data Privacy Act – NPC

WALA nang pagtutol ang National Press Club (NPC) sa napipintong pagpasa bilang batas ng ‘Data Privacy Act of 2012’ na naglalayong proteksyunan ang mga pribado at sensitibong impormasyon ng mga indibidwal na nakatago sa mga computer at internet partikular na sa mga datos ng mga call centers.

Ayon kay NPC president Benny Antiporda, ang lahat ng probisyon ng panukalang batas na una nang nagbigay pangamba sa media ay inalis at pinalitan na ng mga mambabatas matapos ang pakikipag-usap sa mga ito ng pamunuan ng NPC.

Sa ginanap na ‘bicameral conference committee hearing’ noong nakaraang Mayo 28 sa Senado, naalarma ang hanay ng media sa paunang bersyon ng DPC-2012, kung saan parurusahan ng pagkakulong na aabot sa 5 taon at multa na aabot sa P2 milyon ang mga tao at kumpanyang maglababas ng mga personal at sensitibong impormasyon hinggil sa kahit sinong indibidwal partikular kung ang mga impormasyong ito ay maisulat o
mailabas ng media.

Sa pananaw ng NPC, ang probisyong ito ay magbibigay-takot sa mga “sources” ng media na makipagtulungan sa mga mamamahayag upang maibulgar ang mga anomalya sa gobyerno.

Sa serye ng mga pagpupulong sa mga mambabatas na isinagawa ng NPC sa pangunguna ni Antiporda matapos lumabas ang report ng bicameral committee, ikinatuwa ni Antiporda ang desisyon ng mga ito na tuldukan
ang lahat ng isyung inilabas ng NPC patungkol sa ilang probisyon ng panukala.

“Ang lahat ng mga kwestyunableng probisyon ng DPC-2012 ay inalis, binago at inayos ng ating mga mambabatas.

Higit pa rito, nagkaroon din ng probisyon (Section 5) kung saan binigyang diin na hindi puwedeng pilitin ang sinomang miyembro ng media na ibulgar ang kanilang ‘source’ batay na rin sa sinasabi ng Republic Act (RA) 53,” diin pa ni Antiporda.

Partikular namang pinapurihan ng NPC sina Sen. Edgardo Angara, principal author ng panukala sa Senado at si Sen. Antonio Trillanes na gumawa nang hakbang upang tiyakin na hindi madedehado ang media sa pinal na bersyon ng batas.

Ayon pa kay Antiporda, kinikilala rin ng NPC ang suportang ibinigay sa kanila nina Pasig City Rep. Romulo Roman, principal author ng panukala sa Kongreso at, Taguig City Rep. Sigfrid Tinga, ang chairman ng House
contingent sa bicameral committee.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply