Mga akusado sa Ramgen slay positibong itinuro sa korte

SA pagpapatuloy ng paglilitis sa kaso ng pamamaslang kay Ramgen Revilla sa Parañaque Regional Trial Court kahapon ng umaga, positibong  itinuro ng pangunahing testigo sa pagpatay sa naturang biktima at malubhang pagkasugat sa kasintahan nitong si Janelle Manahan ang mga akusado, kabilang ang kapatid ng napatay na si Ramon Joseph Bautista.

Sa kanyang pagtestigo sa sala ni Paranaque RTC Judge Fortunito Madrona ng Branch 274, itinuro niya sina Bautista, Ryan Pastera, Michael Nartea at Norwin Dela Cruz na mga taong sangkot sa pagpaplano ng krimen.

Matatandaan na si Puzon ay personal na nagtungo sa pulisya makaraan ang nangyaring pagpatay kay Ramgen noong Oktubre 28, 2011 at isinalaysay ang kanyang nalalaman sa krimen na naging daan upang gamitin siyang testigo ng tagausig.

Isiniwalat ni Puzon sa korte na noong Oktubre 12, 2011, inalok siya ni Pastera ng malaking halaga kapalit ng paglikida sa isang tao na nakilala lang niya sa pamamagitan ng ibinigay sa kanyang larawan.

Sa isinagawang direct examination ni public prosecutor Apolinar Quetulio, Jr., ipinakita pa ni Puzon ang itinago pa niyang larawan ni Ramgen Revilla na umano’y ipinalilikida sa kanya kapalit ng malaking halaga ng salapi.

Noong Oktubre 14, muli silang nagkita ni Pastera, kasama na si Nartea at iniabot sa kanya ang P19,000 habang nasa loob sila ng isang Toyota Inova kung saan kasama ng dalawa si RJ Bautista. Idinugtong niya na salapi lang ang habol niya at wala siyang intensyon na lumahok sa planong pagpatay kaya’t hindi na siya nagpakita sa grupo.

Sa panayam kay RJ, mariin niyang itinanggi ang akusasyon at sinabing hindi niya kailanman nakatagpo o nakilala man lang sa tanang buhay niya si Puzon.

Sa panig naman ni Atty. Claire Castro, abogado ng isa pang akusadong si Glaiza Visda, wala siyang makitang dahilan upang mapabilang ang kanyang kliyente sa inakusahan.

Idinugtong niya na posibleng si Puzon din ang pumatay kay Ramgen dahil tumutugma sa kanya ang ibinigay na kaanyuan ni Manahan sa nakamaskarang salarin.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply