Mga opisyal, empleyado ng BI bawal tumambay sa mga resto

MULING iginiit ng Bureau of immigration (BI) sa mga opisyal at empleyado nito ang pagbabawal na tumambay o maglagi sa mga pook-kainan sa oras ng trabaho.

Sa isang direktiba, sinabi ni BI Commissioner Ricardo David Jr. na pinagbabawalan ang sinumang opisyal at empleyado na magtungo sa mga kalapit na restaurant o kainan sa punong tanggapan ng kawanihan sa Intramuros, Manila mula alas 7:00 hanggang 12:00 ng tanghali at ala-una hanggang alas 5:30 ng hapon.

Ginawa ni David ang kautusan bunsod na rin ng natatanggap nitong reklamo na patuloy na makikita ang mga opisyal at empleyado ng kawanihan sa mga kalapit na pook-kainan habang kasagsagan ng  trabaho.

Iginiit pa ni David na ang pamamalagi sa mga pook-kainan sa oras ng trabaho ay paglabag umano sa patakaran ng serbisyo sibil ng bansa at may kaparusahan na pasibak sa puwesto.

Batay sa impormasyon natanggap ng Office of the Commissioner, ginagawa umano sa mga pook-kainan ang transaksyon sa pagproseso ng visa at iba pang dokumentong inaasikaso ng kawanihan.

Hiniling naman ng Buklod ng mga Manggagawa sa BID (Buklod) sa pamunuan na ipatupad din ang pagbabawal sa mga opisyal at empleyado na umakto bilang mga ‘fixer’ o taga-lakad ng mga papeles ng mga aplikante.

Nauna nang ipinatupad ang naturang direktiba noong panahon ni dating officer-in-charge Ronaldo Ledesma na ayon sa mga empleyado ay naging matagumpay dahil na rin sa suportang ibinigay ng mga opisyal at empleyado.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply