Mga pekeng P500 nakumpiska sa lasing

CAVITE- Sa kulungan na nahimasmasan ng kanyang kalasingan ang isang lalaki matapos na mabistong peke ang P500 na ginamit niya para bumili sa tindahan sa Bacoor kagabi (Mayo 31).

Kinilala ni P/Supt. Romano Cardiño, hepe ng pulisya ng nasabing bayan ang suspek na si Michael Antong y Muhammad, 21- anyos, tubong Cotabato at kasalukuyang residente ng Taguig City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:00 ng gabi nang bumaba sa jeep ang dalawang lalaki at bumili sa tindahan ni alyas Marissa.

“Bumili sila ng sigarilyo at inabot ang 500 pesos sa akin. Pero nang itapat ko ito sa aking detector ay nakita kong peke ito kaya agad akong tumawag ng pulis,” ani Marissa.

Nang matunugan umano ng mga suspek na tumawag ng pulis ang tindera ay nagtakbuhan ang mga ito ngunit agad namang nasukol si Antong.

Nasamsam sa bulsa nito ang tig-iisangdaan at dalawandaan piso na umaabot sa halagang P3,000 na peke at ang bonet na hinihinalang gamit nito sa iligal na gawain.

Sa interogasyon ay inamin ng suspek na ang nakatakas na kasama niya ay kasabwat niya sa panloloko gayundin ang isa pang kalugar.

Tinutugis na ngayon ang dalawa pang kasamahan ng suspek.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply