Mga preso miyembro na ng Philhealth, SSS

PUMASOK sa kasunduan ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Social Security System (SSS) para matulungan ang mga convicted prisoner sa oras ng kanilang pangangailangan.

Nabatid kay BuCor Director Gaudencio Pangilinan, may ilan ng mga inmate sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang naipasok na nila bilang miyembro ng PhilHealth at SSS bilang hakbang upang makatulong sa kanilang pagpapagamot sa oras na dapuan sila ng matinding karamdaman.

Karamihan umano sa mga naipasok nila bilang miyembro ng SSS ay mga bilanggo na nagta-trabaho sa kanilang inilunsad na livelihood program sa loob ng pambansang piitan na magiging daan upang mabigyan sila ng pensiyon sa oras ng kanilang paglaya.

Plano ni Pangilinan na maipasok bilang miyembro ng Phil Health, hindi lamang ang mga bilanggo sa NBP kundi ang kabuuang 36,418 na mga convicted prisoner sa buong bansa.

Dagdag pa nito, marami ring mga bilanggo sa iba’t-ibang penal colony ang kasalukuyang miyembro na rin ng SSS lalu na ang mga nagtatrabaho sa mga malalaking pribadong taniman.

Napagalaman na bukod sa health at pension benefits, tiniyak din ni Pangilinan na mabibigyan ng masustansiyang pagkain ang mga bilanggo sa pamamagitan ng pagsuri sa nutritional value ng  i-aalok na uri ng pagkain ng mga catering service na nagnanais lumahok sa bidding para sa pagsu-supply ng pagkain sa mga bilanggo.

Binalangkas na rin ng BuCor ang pagkalap ng mahigit sa 500 pang mga prison guard sa NBP dahil sa dumaraming bilang ng mga bilanggo. Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa 1,300 ang mga prison guard sa NBP na nagbabantay sa mahigit 12,000 bilanggo kaya’t plano ni Pangilinan na umabot ito ng hanggang 2,000.

Sinabi ni Pangilinan na isasailalim sa puspusang pagsasanay na pangangasiwaan ng Philippine Army ang makakalap na karagdagang prison guards upang maging bihasa sila sa linya ng kanilang tungkulin lalu na ang pagpigil sa anumang uri ng pagpuga o jail break

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply