Misteryo sa Garay

TALAGA yatang mahirap nang turuan ng bagong trick ang matandang aso. Kahit anong pagkumbinsi ni PNoy sa mga taong-gobyerno na tahakin ang tuwid na daan, liliko at liliko pa rin dahil sa dating nakagawian.

Dito pumapasok ang kwento sa bayan ng Norzagaray sa Bulacan.

Kamakailan ay pinatigil ni Norzagaray Mayor Feliciano Legaspi ang operasyon ng developer ng Hardin ng Sto. Nino memorial park dahil sa paglabag sa iba’t ibang batas at regulasyon ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) at lokal na pamahalaan.

Pinadlock ang gate ng nasabing libingan. Ngunit hindi nagtagal ay sinira ng nasabing developer, na ang pangalan ay Benjamin Construction Equipment Inc. o BCEI, ang padlock upang ituloy ang iligal na operasyon nito.

Tila nainsulto ang pamahalaan ni Mayor Legaspi kaya’t ipinadlock uli ang gate. Tulad ng naunang nangyari, sinira uli ng BCEI ang padlock. Ipinadlock uli ng alkalde.

Alam n’yo ba ang sumunod na pangyayari, mga pards? Winasak ng BCEI ang buong gate! Dinistrungka ito mula sa sementong pader!

Astig din, ano? Sino at gaano kaya kalakas ang kapit ng BCEI kaya’t ganun-ganun na lang nito bastusin si Mayor Legaspi? Dayo pa ‘yan ha? Hindi ito nakabase sa Norzagaray kundi sa Caloocan City.

Pero hindi pa ‘yan ang nakagugulat, mga pards. Marahil ay nakikinita-kinita n’yo nang nagwawala si Mayor Legaspi, susugurin ang pamunuan ng BCEI sa pangunguna ni Mrs. Veronica Lim at babantaan itong, “’Wag mo akong subukan!”

Mali, mga pards! Ang sumunod na eksena ay ang alkalde na ang nag-aabogado para sa BCEI upang makasundo ang nakagalit na may-ari ng sementeryo.

Si Mayor Legaspi rin ang nagsusulong na mabigyan ng permiso ang BCEI na makapag-operate ulit. Ang nakikinita-kinita ko ngayon ay nagkakamot ng ulo habang nakakunot ang noo ng mga mambabasa ng kolum na ito.

Isang tunay na misteryo na si Mayor Legaspi lang ang makapaglilinaw. Ano ang say mo, Mayor?

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply