MMDA: Disiplina sa pagtatapon ng basura kailangan

UMAPELA ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na iwasan nilang magtapon ng kanilang basura sa mga kanal, estero gayundin sa iba pang daluyan ng tubig dahil isa ito sa pangunahing dahilan ng pagbabaha sa Metro Manila lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Nabatid kay MMDA Chairman Francis Tolentino, na hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagbibigay ng babala at impormasyon sa mga perhuwisyong idinudulot ng walang patumanggang pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig subalit patuloy pa rin itong ginagawa ng marami, lalo na ang mga naninirahan sa gilid ng mga ilog, estero at sapa.

Batay sa datos ng MMDA, umaabot na sa may 50,000 pamilya sa Metro Manila ang naninirahan sa gilid ng mga daluyan ng tubig na pangunahing pinagmumulan ng mga basurang nakukuha nila sa kanilang mga pumping stations. May 70,000 na rin ang kanilang nahuhuling nagkakalat at nagtatapon ng basura.

Sa oras aniya na hindi pa masawata ang pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig, hindi malayong masira ang kanilang mga pumping stations at conveyor na tiyak na lalong magdudulot ng mataas na pagbaha sa maraming lugar sa Kamaynilaan.

Aminado naman si Tolentino na hindi kaya ng kanilang ahensya na bantayan ang lahat ng mga residenteng nagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig kaya’t hiniling na niya ang tulong ng lokal na pamahalaan at barangay upang masawata ang mga mamamayan sa pagtatapon ng basura.

Sa kasalukuyan, inalerto na ni Tolentino ang kanilang declogging team na nangunguna sa paglilinis ng mga estero, kanal at mga sapa, lalo na sa mga lugar na palagiang binabaha upang magtuloy-tuloy ang kanilang paglillinis ngayong panahon ng tag-ulan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply