Murang serbisyong medikal vs sakit sa bato

BILANG pagdiriwang ng National Kidney Month ngayong Hunyo, ipinaalaala ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang wastong paraan upang makaiwas sa sakit sa bato o renal diseases ang mga mamamayan at ang kahalagahan ng abot-kaya at libreng serbisyong medikal para rito na ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa mga Marikenyo.

“Mayroong mga paraan upang makaiwas tayo sa sakit sa bato.

Ang City Health Office ay nagkakaloob ng libreng konsultasyon at abot-kayang serbisyong medikal upang maiwasan at magamot ang sakit na ito,” wika ni De Guzman.

Ayon sa City Health Office (CHO), ang paglimita sa paggamit ng asin sa pagkain, pag-inom ng 8-10 baso ng tubig araw-araw, pagpapanatili ng tamang timbang, at pag-eehersisyo ay epektibong paraan upang maiwasan ito.

Ang CHO ay nagkakaloob din ng mga pagsusuri sa murang halaga tulad ng kidney ultrasound (PhP300), urinary bladder ultrasound (PhP500), dialysis (PhP1, 600 sa mga Marikenyo; PhP1,850 sa mga hindi Marikenyo), at urinalysis (PhP50). Ito 13-50% na mas mababa kumpara sa mga pribadong ospital at laboratoryo.

Dagdag pa rito, ang mga senior citizens o nakatatanda ay binibigyan din ng 20% diskwento sa ilang serbisyo.

Kaugnay nito, isang press conference para sa pambansang pagdiriwang naman na may temang “Ikaw at Ako, Panalo sa Malusog na Bato” ang ginanap kamakailan sa Philippine Information Agency at dinaluhan ng Association of Information Officers in Metro Manila (AIMM).

Pinangunahan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), ang kumperensya ay nakatuon sa pag-iwas sa karamdaman upang maiwasan ang malalang epekto ng renal diseases kasama na ang kamatayan pagsapit sa ‘end stage’ ng naturang sakit.

Ayon sa NKTI, ang renal diseases ang ika-9 na pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga Pilipino.

Ang karaniwang sanhi nito ay diabetes, high blood pressure, and pamamaga ng mga bato.

Samantalang tinataya namang 120 sa kada isang milyong Pilipino ang nakakaranas ng kidney failure.

Sa kabila nito, mayroong nang mga medical breakthroughs tulad ng laparoscopy at tumor vaccine na itinuturing na mabisang paraan upang gamutin ang naturang sakit.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply