Naglipana pa rin ang radio repeaters

NOONG isang linggo ay binalaan ng National Telecommunications Commission ang mga may illegal radio communication sa kanilang mga sasakyan lalo na ang mga public utility vehicle at taksi.

Dapat talagang gawing seryoso ng NTC ang babalang ito na full force of the law ang dapat iparusa sa mga pasaway, ang mga ayaw sumunod sa NTC. Dapat din sigurong manawagan ang NTC sa Land Transportation Office (LTO) para maipatupad ang batas laban sa mga illegal radio transmitter.

Naglipana pa rin kasi ang mga illegal connection na para bang bale wala sa kanila ang warning ng NTC.

Sagabal sa daloy ng communication ang mga illegal radio transmitter. Kayong mga mahihilig mag-text, apektado rin kayo sa illegal transmitters dahil ang mga text ninyo ay hindi agad nakararating dahil sa overcrowded na ang airwaves.

Ganyan din kung mayroon kayong internet connection. Ang masama pa rito ay baka mabiktima pa kayo ng mga masasamang loob.

Baka manakaw ang mga information ninyo na dapat ay confidential.

Delikado rin sa gobyerno dahil makaa-access ng illegal recruiters ang inyong telephone lines.

Independence Day kuno

Dati-rati ang Independence Day day ay ginaganap tuwing July 4 dahil ito ang araw ng proklamasyon ng America na malaya na ang Pilipinas sa kuko ng agila. July 4 din ang Independence Day ng America laban sa Britania.

Pero nang si Diosdado Macapagal na ang naging Pangulo ay ginawang June 12 ang Independence Day natin.

Masugid na tagahanga ni Macapagal si Emilio Aguinaldo at dahil diyan ay nag-declare si Diosdado Macapagal na ang First President of the Republic of the Philippines ay si Emilio Aguinaldo, hindi si Manuel Quezon o si Manuel Roxas.

At nang Pangulo na ang anak na si Gloria Macapagal-Arroyo, itinatag niya ang Order of Lakandula, isang pinakamataas na parangal ng sinomang tao na may tapang at pagmamahal sa bayan.

Ang kanununuan ng mga Macapagal ay si Rajah Lakan Dula, isa sa tatlong hari ng Maynila. Nang sakupin ng mga Kastila ang Tondo, si Lakandula ay kumampi sa mga manlulupig. Traydor, wika ng iba.

Galing kami sa dugong bughaw, madalas sabihin ito ni Gloria Macapagal-Arroyo. Dugong traydor din ba ang tawag diyan?

Noong panahon ni Aguinaldo, ang nautusang pumatay kay Andres Bonifacio ay isang Major Lazaro Makapagal na galing sa Macapagal clan.

Lagi na lamang ba tayong nasa kapangyarihan ng mga Macapagal?

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply