Nakikisawsaw sa bookies ang CIDG-AOCD

MATIKAS ang hepe ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na si Dir. Samuel Pagdilao kaya naman marami ang humahanga sa kanya bagama’t hindi niya nakuha ang pinakamataas na puwesto sa kanilang organisasyon.

Nang matanggal sa puwesto bilang director ng National Bureau of Investigation si Atty. Magtanggol Gatdula, pumutok ang balita na posibleng si Pagdilao, isa ring abogado, ang papalit sa una.

Patunay lang ito na mahusay nga si Pagdilao. Marami ang naniniwala sa kanyang kakayahan. Subalit bakit ang kanyang mga tauhan sa CIDG ay pawang hindi naman kagalingan. Halimbawa na rito ang mga taga-Anti-Organized Crime Division.

Sa pangalan pa lang ng grupo na anti-organized dapat ang tinatrabaho nito ay pawang may kinalaman sa sindikato o yung mga krimen na pinagplanuhan o pinag-isipan ng mga miyembro. Sa madaling salita, iyong mga mabibigat na kaso ang pinagtutuunan ng pansin.

Nakatatawa nito, isang kaibigan ang humingi ng tulong dahil inaresto ang bayaw niya ng mga tauhan ng CIDG-AOCD at dinala sa Camp Crame.

Inisip ko na sangkot sa mabigat na kaso ang lalaki kaya’t humingi ako ng paumanhin sa kaibigan ko.

Subalit nang malinawan ko, mabilis akong humingi ng tulong sa isa ring kaibigan.

Ang kaso pala ng hinuling bayaw ng kaibigan ko ay bookies, iligal na tayaan ng karera ng kabayo.

Sinalakay ng mga tauhan ng CIDG-AOCD ang isang bookies sa Sta. Cruz, Maynila at nahuli ang bayaw ng kaibigan ko.

Hindi ko naman ipinagtatanggol ang bookies dahil batid kong iligal ito.

Ang punto ko lang naman ay dapat nagko-concentrate ang   higher headquarter sa mas malalaking kaso at ipaubaya na nila ito sa mga distrito at istasyon na nakasasakop.

Nagdodoble-doble tuloy ang trabaho ng mga pulis. O baka naman dahil nais lang nilang makiamot sa lingguhang payola mula sa mga bookies at iba pang iligal na number games tulad ng lotteng at jueteng?

Napakaraming krimen na dapat pagtuunan ng pansin ng CIDG at hindi ang mga small-time na kayang-kaya naman ng local police. Hindi na nila kailangan ang tulong ninyo.

O, baka naman wala na rin kayong ma-eskortan na mga mayayamang may warrant of arrest?

Malaki ang paghanga ko kay Gen. Pagdilao dahil Colonel pa lang siya ay nakakaharap at nakakausap ko na. May breeding ang opisyal na ito. Subalit nasisira ang kanyang magandang  pangalan dahil lang sa kanyang mga tauhan na hindi alam ang salitang responsibilidad at kredibilidad.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply