Namamatay na bisyo

SA ISANG panayam kamakailan ay inihayag ni Undersecretary Eric Tayag ng Department of Health (DOH) na 10 Pinoy ang namamatay bawat oras bunga ng mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo.

Kung totoo ang sinabi niyang ito at gusto kong maniwala na totoo ito,  ay dapat sigurong maging puspusan na ang mga gagawing hakbang ng pamahalaan para mabawasan ang bilang ng mga taong nahuhumaling sa naturang bisyo.

At maaaring isa na nga sa mga sagot para mabawasan na ang mga Pinoy na mahilig sa usok ay ang panukalang taasan ang buwis sa nasabing produkto na kabilang sa isa sa mga tinatawag na “sin products.”

Sa naturang panukalang batas, na kung tawagin ay “sin tax” bill, inaasahang kung maaprub ito ay tiyak na patataasin nito ang presyo ng sigarilyo.

Pag ganun ang nangyari ay malamang na hindi na ito kayanin ng mga mahilig magyosi lalo na ng mga kabataan na nag-uumpisa pa lamang malulong sa mapanganib na bisyo.

Maganda ang layunin ng panukala sapagkat tiyak na magiging mas maayos at malinis na ang maraming mga lugar maging ang mismong bahay ng mga yosi adik.

Luluwag na rin ang mga ospital na karaniwang  bagsakan ng mga  dinapu-an ng sakit na dulot ng kanilang paninigarilyo.

Masasabing primary intervention ang gagawing ito ng mga mambabatas na siya namang susuporta sa secondary intervention, na gaya ng paglalagay ng mga nakatatakot na health warnings sa pakete ng mga sigarilyo.

Panahon na kasing kumilos sapagkat base sa pag-aaral ay umaabot sa anim na milyong tao ang namamatay taon-taon sa buong mundo dahil sa paninigarilyo.

Umaabot naman sa 600,000  ang nadedo o nagkasakit dahil sa epekto ng second hand smoke maliban pa sa mga sakit na dulot nito gaya ng lung cancer, cardiovascular disease at maging stroke.

Kaya tama lang na lalo pang paigtingin ng pamahalaan ang kampanya laban sa paninigarilyo.

Sa huli kasi, ‘di lang naman ang perang kikitain sa mataas na buwis ang mahalaga kundi mas importante ang mga buhay na maililigtas mula sa nakamamatay na bisyo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply