Napapanahong panukala ni Senador Angara

SA wakas ay may narinig din akong magandang panukala mula kay Senador Edgardo Angara.

Medyo matagal na rin kasing nananahimik ang beteranong mambabatas na ito na isa pa naman sa pinakamagaling na kasapi ng Senado.

Maging noong kasagsagan ng impeachment trial laban kay ex- Chief Justice Renato Corona ay mas pinili niyang manatili sa ilalim ng radar.

Maliban  sa  paminsan-minsan niyang pagtayo para magtanong sa mga testigo ay maituturing na talagang ipinaubaya na lang niya ang limelight sa mga kasama niyang senator-judge.

Pero nitong isang araw ay nagbigay siya ng pahayag na sa tingin ko ay mahalaga at dapat bigyang pansin ng pamahalaang Aquino.

Ito ay nang sabihin niya na panahon na para kumilos ang gobyerno at maglabas ng pera para sa mga infrastructure project.

Importante ang pahayag na ito ni Angara sapagkat sa totoo lang ay sobrang nipis ng perang umiikot sa bansa ngayon.

Sobrang kunat kasi nang gobyerno at halos ayaw maglabas ng pera para sa pagpapagawa ng mga kalsada, paliparan, paaralan, pantalan at iba pang mga pagawaing bayan.

At dahil walang mga proyekto ay nagdudulot ito ng pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho at pagbagal naman ng takbo ng ekonomiya.

Nagtataka siguro si Angara dahil alam niyang ang gobyerno ang dapat manguna sa paggastos sa mga proyektong pambayan at di dapat umasa sa private sector.
Kapag maayos ang infrastructure network ng bansa ay magbu-bunga ito ng mas masiglang ekonomiya sapagkat makikinabang ang lahat ng sektor lalong-lalo na ang turismo at kalakalan.

Para sa akin, bagama’t walang masama sa prudent spending at pagtitipid ay dapat namang maging bukas ang isip ng gobyerno sa mga proyekto na magbibigay ng kaginhawahan sa mga mamamayan.

Minsan kailangan ang tiwala lalo na ng mga nasa kapangyarihan para makamit ng bansa ang minimithing kaunlaran.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply