NDRRMC: 8 patay sa patuloy na pag-ulan

UMAABOT na sa walong katao ang naitatalang nasawi sanhi ng ilang araw na pag ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa habang may 63 katao naman ang sinasabing target ng search and rescue operation base sa tala ng Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga.

Sinasabing ang naitalang bilang ay pinangangambahang lumobo pa dahil sa matinding pag-ulan sa bansa dulot ng shallow low pressure area (SLPA) na namataan sa South Cotabato, Mindanao.

Sa impormasyong ibinahagi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos, kabilang sa walong nasawi ang dalawang biktima ng baha sa Sarangani at isa sa Davao City.

Nadagdag pa rito ang limang bangkay na ang narekober mula sa lumubog na barkong MV Josille 2 sa El Nido, Palawan kahapon na kinilalang sina Jeka Mae Estareja, Pamela Ann Clarissa, Junjun Atienza – crew ng barko, Nita Huyo at Ceverino Eliso.

Ayon din kay Ramos, maaari pang tumaas ang bilang ng mga nawawala dahil nang kausapin aniya nila ang mga nakaligtas sa paglubog ng barko ay may mga kaanak pa silang hinahanap.

Paliwanag naman ng NDRRMC, bagama’t sa bahagi lamang ng Mindanao naitala ang SLPA, nagdulot pa rin ito ng pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pagtaas ng alon sa mga karagatan, partikular sa West Philippine Sea dahil sa tinatawag na gale force.

Pinag-iingat pa rin ng ahensya ang publiko, partikular na ang mga mandaragat sa Eastern Seaboard ng bansa kasama ang Davao, Surigao, Samar, Leyte at Bicol Region dahil sa posibleng pag-ulan at pagtaas pa rin ng alon dulot naman ng papasok na bagyong Butchoy.

Sinabi ni Ramos na sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagong bagyong Butchoy.

Samantala, tuloy-tuloy ang ang ginagawang paggalugad ng Philippine Coast Guard katuwang ang LGU ng Taytay Palawan sa paghahanap sa mga pasahero na nawawala mula sa lumubog na MV Josille sa karagatang sakop ng Taytay Palawan.

Kinilala ang tatlo sa mga nawawala na sina Juanito Tito, kagawad ng barangay Baung, Taytay; Mark Angelo Esmerina, 8-buwang gulang at Julito Buenafe.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply