NDRRMC naka-blue alert sa bagyong ‘Butchoy’

NAKA-BLUE ALERT na ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa bagyong Butchoy.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, ibig sabihin ng blue alert ay nakaalerto na ang kalahati ng buong puwersa ng ahensya.

Ani Ramos, lahat ng uri ng paghahanda para sa magiging epekto ng bagyo at maging sa pagbibigay ng tulong sa mga maaapektuhang mamamayan ay kanilang tututukan.

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, siyam na ang patay dahil sa sama ng panahon kabilang ang mga nasawi sa lumubog na MV Josille 2 sa karagatang sakop ng Palawan.

Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ni Butchoy sa layong 880 kilometer ng East of Guiuan, Eastern Samar na may lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometer bawat oras malapit sa gitna hanggang 100 kilometro bawat oras at kumikilos patungo sa direksyon ng Hilaga-Kanluran ng 24 kilometro bawat oras.

Ayon sa PAGASA si Butchoy ay inaasahan na nasa 560 kilometro ng Silangan ng Virac, Catanduanes bukas ng umaga, at nasa 320 kilometro ng Hilaga-Kanluran ng Virac, Catanduanes sa Sabado habang nasa 310 kilometro ng Hilaga-Silangan ng Aparri, Cagayan sa Linggo.

Inaasahang lalabas si Butchoy sa teritoryo ng bansa sa Martes.

Nilinaw naman ni PAGASA Chief Forecaster Robert Sawi na hindi pa rin nakaaapekto sa bansa ang bagong bagyo at ang tinatawag na series of low pressure area (LPA) o monsoon trap sa Hilagang-Kanluran ng Northern Luzon ang nagdudulot ng pag-ulan ngayon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply