No time for love si LT!

NAKAUSAP namin si Lorna Tolentino sa taping ng Valiente sa Batangas na kung saan, obviously, ay happy siya sa kapatid network. Priority raw niya ang offer ng TV5 sa nalalapit na expiration ng kanyang kontrata. Mabait naman daw sila.

Kinuha namin ang kanyang reaksyon sa pagtakbo ni Alma Moreno sa Senado sa darating na eleksyon kung susuportahan ba niya ito?

“Depende kung saang partido siya. Kay Jinggoy ako partido e. Pero kung solo lang niya…minsan kasi pag mag-isa lang siya, hindi ako mamumroblema. Halimbawa, kay Bong Revilla dati, siya lang ang nandoon, walang problema na puntahan siya. Basta mag-isa lang siya na kandidato na nandoon, puwede ko siyang samahan” sey ni LT.

Hindi siya nagulat na tatakbong Senador si Alma?

“Hindi kasi matagal din namang nasa pulitika si Ness,” tugon niya.

Mas mataas ngayon ang posisyon na tatakbuhin niya at binabatikos siya, ano ang comment niya roon?

“Sabi nga niya, napanood ko siya, bakit hindi siya bigyan ng pagkakataon?”

Kung si Lorna ang tatanungin, wala siyang balak na tumakbo sa QC.

“In-offer na ako before pagkamatay ni Rudy (Fernandez) kasi kulang sila ng isang slot. Tinawagan lang ako ni Tathes (Gana, girlfriend ni Mayor Herbert Bautista) pero ayoko,” kuwento niya.

Mas gusto niya na magsaka na lang sila kaysa pasukin ang politics. Kahit daw sa mga anak niya ay hindi siya pumapayag.

“Huwag na rin. Masakit ang pinagdaanan ni Daboy noon, alam nila ‘yun. Huwag na ..Huwag na. Back to basic na lang kami..maging farmers, farming ang buhay,” deklara niya.

Masaya rin niyang naikuwento na magdidirek si Raf Fernandez ng morning show sa Dos. Si Renz naman ay katrabaho niya si Senator Lito Lapid at Jolo Revilla para sa parating na serye sa Dos na ‘Little Champ’.

“Nakaka-3 months na sila. Four months na nga kung tutuusin pero dahil nagkaroon ng impeachment mga dalawa o tatlong beses sa isang buwan ang taping kaya medyo tumagal,” kuwento pa niya.

Tinanong din siya tungkol sa lovelife?

“Huwag na. Tigilan na. Golden girl na ako. May apo na ako. Happy ako sa mga kaibigan, sa apo, sa mga anak ko nakatuon ang aking panahon at sa akin, aming farm sa Cavite,” bulalas pa ni Lorna.

Kung sakaling may manligaw sa kanya?

“Marami na…marami nang nanligaw pero wala. Huwag na. Nagkaka-hormonal imbalance ako, no? Diyos ko tingnan mo nagkaka-hot flushes ako ngayon. Hahahaha. Paano nila maiintindihan yun? Intindihin ko muna sarili ko. Alagaan ko muna,” tumatawa pa niyang sagot.

‘Yun na!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply