Obispo: Carpio, De Lima, Morales wag mangarap maging CJ

PINAYUHAN ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes sina Department of Justice Secretary Leila de Lima, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Ombudsman Conchita Carpio-Morales na isantabi na ang kanilang mga pangarap na maging susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Ito’y kasunod na rin nang pagpapatalsik sa puwesto kay dating Chief Justice Renato Corona at pormal nang paghahanap ng Judicial and Bar Council (JBC) ng mga nominado para sa nasabing posisyon.

Ayon kay Bastes, sa halip na pangaraping magiging susunod na Punong Mahistrado ng Supreme Court ay dapat na pagtuunan na lamang umano ng tatlo ang kanilang gawain at programa para makamit ang tuwid na daan ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Sinabi ni Bastes na maganda naman ang performance nina de Lima, Carpio at Morales at malaki pa ang magagawa nila sa kani-kanilang tanggapan kung kaya’t mas makabubuti kung hindi na nila lisanin ang kani-kanilang mga posisyon.

Nauna rito, pinayuhan ni Malolos Bishop Jose Oliveros si Pangulong Aquino na huwag magtalaga ng kaniyang kaalyado para maging susunod na Punong Mahistrado.

Ito’y upang maiwasan ang pagdududa ng sambayanan sa kredibilidad nito, gayundin ang pagdududa na magiging sunud-sunuran lamang ang bagong chief justice sa pangulo.

Sina de Lima, Carpio at Morales ay kilalang mga kaalyado ni PNoy.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply