Obispo: Kahirapan, kawalan ng lupa sanhi ng pagbagsak ng rating ni PNoy

HINDI na ikinagulat ni Malolos Bishop Oliveros ang pagbagsak ng satisfaction rating ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).

Naniniwala si Oliveros na ang kawalan umano ng pakialam ni Pangulong Aquino sa malalaking problema ng bansa gaya ng kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho at pagbalewala sa problema ng mga magsasaka, ang dahilan nang pagbagsak ng satisfaction rating nito.

Ayon kay Oliveros, hanggang ngayon ay hindi pa rin nararamdaman ng taumbayan ang pag-unlad ng kanilang buhay bagkus ay lalo pa silang naghihirap.

Sa usapin na lamang, aniya, ng Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reform (CARPER) ay bigo si PNoy na ipatupad, gayung kung tutuusin ay ito ang tanging solusyon sa kagutumang nararanasan sa bansa.

“Well, di na natin ikinagulat yan (pagbagsak ng rating). Kung mapapansin mo wala naman nagbago sa buhay ng mga tao. Marami pa rin ang naghihirap, nagugutom, at walang trabaho. Still ang problema ng mga magsasaka noon ay ganun pa rin ngayon,” ayon kay Oliveros, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Sa usapin na lamang ng CARPER ay hindi pa rin ito natutugunan ni PNoy. Ito ang mga dahilan kung bakit bumababa ang tiwala ng publiko sa kanya. Sa CARPER na lamang dapat ipakita niya na siya ang kauna-unahang magpatupad nito at ang Hacienda Luisita ang siyang dapat maging magandang halimbawa,” dagdag pa ni Oliveros.

Sinabi ni Oliveros na landmark program ng dating Pangulong Cory Aquino ang CARP law ngunit hanggang ngayon na Presidente na si PNoy ay usad-pagong pa rin ang implementasyon ng batas dahil mismong ang pangulo ay hindi ipinapatupad ang programang simulan ng ina.

Batay sa lumabas na survey ng SWS, mula sa 68 percent satisfaction rating ni Pnoy noong Marso ay umabot na lamang sa 63 percent nitong nakaraang buwan ang nagsabing kuntento sila sa pamumuno ng pangulo.

Habang mula sa 19 percent dissatisfaction rating ni PNoy noong Marso ay 21 percent ang nagsabing hindi sila kuntento sa kanyang pamumuno.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply