Obispo kay PNoy: Aksyon ang kailangan ng mga magsasaka

IGINIIT ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na aksyon at hindi pangako ang kinakailangan upang maayos na maipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reforms (CARPER).

Ito ay kasunod nang binitiwang mga pangako ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa mga magsasaka na full implementation ng CARPER hanggang taong 2014.

Ayon kay Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA), marami ng dayalogo ang pinagdaanan ng mga magsasaka at marami ng naipangako sa kanila ngunit wala pa ring nangyayari sa mga ito hanggang sa kasalukuyan.

Sinabi pa ng CBCP official na hindi na kailangan ang pangako dahil ang mahalaga ay kumilos ang Pangulong Aquino at mga opisyal nito para makamit ng tuluyan ng mga magsasaka ang ilang dekadang minimithing social justice.

“Marami ng dialogue na dinaanan ang mga magsasaka, maraming pangako na ang nasabi, hindi naman kailangan ang pangako, hindi ito mahalaga, dahil ang mahalaga ay gawin ang ipinangako, hindi na kailangan ang mangako, kung gagawin, gawin na,” ayon kay Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Pabillo ang mga magsasaka na pansamantalang nanunuluyan ngayon sa Caritas Manila na lalong patatagin ang pagkakaisa at palakasin ang grupo hanggang sa makuha ang hinahangad na lupa.

Iminungkahi pa nito sa mga magsasaka na patuloy na maghanap ng kakampi at kausapin ang mga pari at Obispo sa kani-kanilang lugar upang sama-samang isulong at igiit ang karapatan na magkaroon ng sariling lupang bubungkalin at pagyamanin.

Bukod dito, hinimok din ng CBCP official ang mga magsasaka sa kanilang pag-uwi ay ipaabot at ipaunawa sa mga anak ang pagmamahal sa lupa dahil ito ay buhay na kailangan ng lahat.

Sa panig naman ni Caritas Manila executive director Fr. Anton Pascual, naniniwala ito na sinsero ang pangulo sa kanyang banta sa mga opisyal ng Department of Agrarian Reform na ipatupad ang CARPER.

Giit pa ni Pascual, dapat tuparin ng Pangulong Aquino ang hamon sa DAR na “shape up o ship out” upang manumbalik ang tiwala sa kanya ng mamamayan at maramdaman ng mga mamamayan ang kanyang tuwid na daan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply