Obispo: Peace process sa pagitan ng GPH, MILF susuportahan ng Simbahan

INIHAYAG ng isang Catholic prelate na walang posisyon ang mga Mindanao bishops sa hinihinging ‘sub-state’ o ‘autonomy’ ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Gayunman, tiniyak ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na kasama ang Simbahang Katoliko sa adhikain na maisakatuparan ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao.

Ang pahayag ni Ledesma, chairman ng Episcopal Commission on Inter-Religious Dialogue ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ay kasunod ng kahilingan ng MILF sa Catholic Church na makialam sa usapang pangkapayapaan sa rehiyon.

Ayon pa kay Ledesma, hindi pa naman malinaw kung ano ang gustong isulong ng mga kapatid na muslim at hinihintay pa nila ang magiging kasunduan ng GRP at MILF panel kung autonomy o sub-state ang ipupursige sa peace process.

“Actually, magkakaiba na ang sinasabi. Ang iba ang sinasabi nila na Moro sub-state, ang iba expanded autonomous region. So hinihintay pa rin namin diyan ang usapan at kasunduan ng dalawang panig,” paliwanag pa ni Ledesma, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nilinaw naman nito na hindi mahalaga sa kanila kung sub-state o expanded autonomous region ang mapagkasunduan ng magkabilang panig dahil ang mahalaga, aniya, sa simbahan ay mapanatili ang kultura ng Bangsamoro.

Tiniyak rin ng Arsobispo na kasama ang Mindanao Bishops sa peace process sa pagitan ng gobyerno at MILF sa pamamagitan ng Bishops Ulama Conference.

Bagamat binigyang-diin nito na ang peace process ay isang usaping pulitikal na hindi expertise ng mga Obispo kaya ipinauubaya nila ito sa civil society groups.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply