OFWs sa Jeddah, Dubai nagpasaklolo sa pamahalaan

HINILING ng 83 overseas Filipino worker (OFW) na nasa Jeddah at Dubai ang tulong ng pamahalaan upang agad na mapauwi sila sa Pilipinas.

Sa kanilang pakikipagkita kay Vice President Jejomar Binay, sinabi ng mga OFW na matagal na silang nanunuluyan sa shelter house ng embahada at konsulado sa Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE) kaya sabik na ang mga ito na makabalik ng Pilipinas.

Batay sa impormasyon, tumakas ang mga OFW sa kani-kanilang amo dahil sa pang-aabuso at hindi pagbabayad ng sapat na sahod na nakalagay sa kanilang kontratang pinirmahan bago dumating sa mga nasabing bansa.

Agad naman inatasan ni Binay ang Department of Foreign Affairs at Department of Labor and Employment na asikasuhin ang pagpapauwi ng 14 na OFW sa Jeddah at 69 sa Dubai.

Sa kanyang direktiba, hiniling ng Presidential Adviser for OFW Concerns sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na kunin ang gastusin sa pamasahe ng mga OFW sa pondo ng ahensya habang sasagutin naman ng recruitment agencies ang mga OFW na hindi naman kasapi ng OWWA.

“Umaasa ako na tutugunan ng OWWA at ng mga kinauukulang embahada sa Jeddah at Dubai ang kahilingan ng ating mga kababayan, partikular na ang kanilang kagustuhan na mapabilis ang pagrerebisa ng kanilang mga kaso upang makakuha ng kaukulang exit visa para makabalik na sa Pilipinas,” pahayag ni Binay sa kanyang pakikipagpulong sa mga OFW bago tumulak patungong Vatican upang makipagkita kay Pope Benedict XVI at sa mga Pilipino sa Italya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply