Okay at ‘di okay sa impeachment

TAPOS na po ang pinagkaka-abalahan ng buong bansa na impeachment trial ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Marami ang nagbubunyi na nangibabaw ang hustisya at napatay ang pang-aabuso ng may kapangyarihan.

Sa isang banda, natutuwa ako dahil napatunayan natin sa ating mga sarili na kaya nating simulan at tapusin ang isang democratic process tulad ng impeachment trial.

Masaya rin ako dahil sa unang pagkakataon ay nasaksihan ng taumbayan ang proseso ng pagdinig ng kaso sa loob ng korte.

Nagkaroon tayo ng karunungan ukol dito, bagay na hindi ipinakita sa atin dati ng mga mananakop at makapangyarihan sa takot na magamit ito laban sa kanila.

At nagagalak ako na ang mamamayan ay aktibong sumali sa napakalaking debate ng impeachment nang hindi umaapak sa lansangan para mag-people power.

Opo, meron din namang nagtangka sa magkabilang panig, pero sa kabuuan ay mas nagtiwala sila sa kakayanan ng ating institusyon para resolbahin ang sigalot na ito.

Lumaki rin ang paghanga ko sa ilang senador at kongresista na kahit sobrang pulitikal ang isyu ay nagawa pa ring panindigan ang kanilang prinsipyo at itaguyod ito sa gitna ng kanilang alinlangan.

Nangunguna rito si Senate President Juan Ponce Enrile, na mula’t sapul ay maayos at marangal ang naging palakad sa pagdinig laban kay Corona.

Pero mayroon din akong mga bagay na kinatatakutan sa naganap na impeachment hearing.

Mga bagay na pinayagan at inayunan upang masabing liberal at patas ang korte ng Senado.

Natakot ako nang payagang iharap at dinggin ang ilang ebidensiya na kung hindi lantarang nakaw ay peke o gawa-gawa lang.

Ang paglatag ng ebidensiya galing sa anonymous sources at mga dokumentong walang pirma o ‘di kaya ay unofficial in nature.

Kinilabutan ako nang lantarang magsinungaling ang Register of Deeds sa kanyang testimonya ukol sa ari-ariang lupa ni Corona at ito ay pinakinggan ng mga senator-judge.

Nabigla ako nang magsimula ng imbestigasyon ang BIR at Ombudsman kay Corona gamit ang mga “unverified information” na lumulutang sa pagdinig sa Senado.

Ang pinakamatindi, ang pagyayabang ng prosecution ng mga ebidensiyang wala naman pala sila o imbento lang pala na inilabas sa sangkatutak na press conference bilang paglabag sa subjudice rule at ang kawalang aksyon dito ng impeachment court.

Nakababahala ang mga development na ito dahil ang mga ruling sa impeachment hearing na ito ay maaaring gamitin bilang legal basis para sa iba pang kaso sa mas mababang korte.

Ika nga, bahagi na ng ating “legal jurisprudence.”

Pag nagtuloy ito, sabi nga ni Alfred Hitchcock, isang horror story writer, “be afraid, be very afraid!”

React po sa ira_p@hot-mail.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply