P3B cadastral survey bidding kinamkam ng DENR officers

MISYON Aksyon, isa po akong masugid na tagasubaybay ng inyong kolum sa Remate. Katunayan po, sa bawat isyu ninyong inilalabas ay  hindi ko po pinalalagpas sa dahilang marami kayong natutulungan lalo na po sa malalayong lugar at mabuti na lamang ay mayroon kayong diaryo sa amin tuwing may  isyu kayo. Ang bilin ko sa suki kong magdiadiaryo, pag may isyu kayo ay agad akong ipagtabi ng kopya.

Hindi ko akalain na isa rin po pala ako sa hihingi ng tulong sa inyo para  mabulgar na ang katiwalian sa aming rehiyon kasi grabe po ang korapsyon   na  nagaganap dito. Hindi po libo ang involved bagkus milyong piso po ang lagayan. Katunayan  po, andito po ako sa bayan ng mga Kapampangan nadestino.

Sa bawat  region  po ang  maaaring budget nila ay humigit-kumulang sa  P200 milyon para sa 2011 para sa libreng pasurvey at pagpapatitulo “Cadastral Survey” na programa ni Pangulong Noynoy tungo sa tuwid na daan para sa pagsasaayos ng mga lupang walang titulo na pag-aari ng mga magsasaka na matagal na nilang hawak pero walang kakayahan na magbayad para sa mga surveyor at abogado.

Misyon Aksyon, iyong isang kontraktor na taga-R-3 ay naglagay po ng P1.5M para makuha niya ang survey ng isang bayan (Red Spot Area) kaya iyong isang division po ay may parteng P400,000 at iyon namang isang section ay P400,000 at iyong P700,000 naman ay sibak-sibak sila ng ilang opisyales. Kaya maagang bonus ang kanilang tinanggap mula sa isang kontraktor. Katunayan po, ang kanilang mga initial ay “JAB” as in suntok at Tumama Ako (TA). Ang RD naman po ay kaapelyido ng isang sikat na komedyanteng si DQ at sikat din na mang-aawit at artista ang asawa.

Isa lamang po sa nais kong ibulgar sa’yo. Pero dagdagan ko na po ng isa uli kasi alam ko na mabibitin ka kapag isa lamang ang aking isusumbong. Misyon Aksyon, niregaluhan po ng isang brand new car Toyota Innnova  ang isang OIC Survey Division. Ang nagbigay ay kapwa niya Ilokano kaya sobrang hapi n’ya. Kasi may auto na, may atik pa si lakay… AUTOMATIK!

May panghimagas din po ako sa inyo, sir. Kasi ang raket naman po ng isang Director na kababayan ng Pambansang Kamao sa parteng Mindanao ay nagco-convert ng “timber land” para masukat at maipamahagi sa mga magsasaka.

Katunayan po niyan ay payat sa kanya ang isang milyong piso at iyon namang maliliit ay P10,000 at P20,000 ang paipit sa mga  empleyado. Kaya hapi rin sila. Kaya kung malalim ang imbestigasyon ay ‘di lamang Cadastral Survey ang kanilang raket. Pati ang order na total log ban ay pinagpipistahan din ng mga taga-DENR.

Kaya tuloy, ang programa ni Pangulong Noynoy na Tuwid na Daan ay  naging bali-balikong daan dahil sa mga korap na kawani ng DENR.

Misyon  Aksyon, ang nais ko lamang ay iparating ko sa inyo ang mga ito para  maputol na ang ganitong sistema na umiiral sa aming  tanggapan. Nawa itago na lamang ninyo ako sa pangalang Mr. Juan dela Cruz. At nawa makarating ito kay Pangulong Noynnoy.

Gumagalang  Juan dela CruzMisyon Aksyon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply