Pag-deploy ng tropa para sa Jordanian journalist, itinanggi ng AFP

MARIING pinabulaanan ngayon ng Armed Forces of the Philippine na nagdeploy sila ng karagdagang puwersa sa ilang bahagi ng lalawigan ng Sulu para maglunsad ng hot pursuit operation laban sa grupong may hawak sa Jordanian Journalist at dalawang Filipino TV Crew.

Ito ay kasunod ng ulat na may ilang grupo ng mga sundalo ang ipinadala na sa mga lugar na hinihinalang pinagkakanlungan ng bandidong grupo na sinasabing may hawak kina Jordanian journalist Baker Atyani at ang dalawang Filipino na sina Ramilito Letrero at Rolando Vela.

Hindi umano ito maituturing na paraan ng rescue operation nila para sa nawawalang tatlong TV crew.

Ayon sa naging pahayag ni Col. Jose Cenabre, Deputy Commander for Marines Operation ng Naval Forces  Western Mindanao, wala pang rason para maglunsad sila ng rescue operation dahil wala pa ring linaw na dinukot nga sina Atyani at dalawang kasama nito.

Magugunitang may mga intelligence report na lumutang na beneberipika rin kung may terrorist link ang nasabing journalist na nawawala subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin itinuturing na bihag o biktima ng kidnapping for ransom operation ng bandidong Abu Sayyaf Group.

Sinabi pa ni Cenabre na mas lalong tumitibay ngayon ang posibilidad na nasa kuta ng bandidong Abu Sayyaf ang tatlong nawawalang TV crew.

Ngunit mas lalo din namang lumilitaw na nasa magandang kalagayan ang mga ito na ang ibig sabihin ay malaya sila sa lugar at walang nangyaring pagdukot.

“We consider the information that they are with the Abu Sayyaf, but we are not deploying our men to run after them, the status of the three is still missing and not kidnapped although they are now in the hands of the ASG,” ani Cenabre.

Una rito, noong Martes pa ng umaga ng nakaraang linggo nang umalis  ang tatlo sa Sulu State College Hostel kung saan sila pansamantaang nanunuluyan at simula noon ay hindi na nakita pa ang mga ito.

Dagdag pa ni Cenabre, sa dami ng mga lumabas na balita ukol sa tatlong bisita ng Sulu ay wala ni isa doon ang nakumpirma hanggang ngayon dahil wala namang humaharap sa kanila at personal na sabihin kung ano talaga ang nangyari.

Kaya para kay Cenabre, itinuturing pa rin nilang “missing” ang tatlong miyembro ng media.

Isang crisis management committee ang binuo na pinamumunuan ni Sulu Governo Abdulsakur Tan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply