Pag natalo dinaya

LAS VEGAS, Nevada – Nadudurog ang puso ko habang pinanonood kong lumalabas ng MGM Grand Arena ang Pambansang Kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao. Tunay na isang marangal na nilalang, taas noo, diretso ang likod, maningning ang mata na naglakad palayo ng ruwedang parisukat ang ating bayani ng mahigit isang dekada sa larangan ng boksing.

Pero aninag ko ang pait sa likod ng masayang ngiti ni Manny Pacquiao. Bagama’t isang “gentleman” na hindi hihiyain ang sarili sa pamamagitan ng paghiyaw ng “daya,” kita at ramdam ng mga Pinoy ang sakit niya ng pagkatalo, lalo na kung sa isip ay hindi ito tama.

Aaminin ko na base sa walang kuwentang scorecard ng Free Spits, panalo si Pacman sa walo (8) ng labindalawang (12) rounds na laban nila ni Timothy Bradley.

Isa ako sa hindi makapaniwala na si Bradley ang nanalo by split decision. At sa scorecard ng judges, hindi malayo ang puntos nila sa isa’t isa. Pero sa mata ng Free Spits sobrang lamang si Pacman.

Pati yung mga computer box na nagtatala ng dami ng suntok, ilang beses tumama at “percentages”ng lakas at tama ay sinasabing si Pacman ang lamang. So dapat si Pacman ang idineklarang nanalo ng judges?

Dahil sa nakikita natin sa telebisyon o kaya ay mga dalawang-daang metro ang layo sa ring kung nandun tayo sa MGM Grand ay tayo ang tama at mali ang judges?

Sana itigil na natin ang kalokohang ito! Oo, hindi ako bilib sa desisyon, pero irerespeto ko to dahil ito ang desisyon ng mga judge. Sila yung experts, trabaho nila yan. Tsaka limang metro lang ang layo nila sa laban.

Hindi naman siguro nila itatapon ang career nila para sa isang laban eh may ilampung laban tulad ng kay Pacquiao at Bradley pa ang naghihintay sa kanila. Tsaka halata sa laban na hindi na si Pacman ng nakaraang mga taon ang lumalaban. Medyo mabagal na, hindi na killer, ayaw sumagasa at manakit ng todo, umiilag na.

Ngayon kung sasabihin natin na iba yung sinasabi ng computer boxes, eh di sana alisin na natin yung judges at yung computer na lang ang magdesisyon ng laban.

Kasi, yung judges ang nagbabantay ng “intangibles.” Mga bagay na hindi kayang basahin ng computer pero nakikilala ng mata ng tao. Mga bagay tulad ng sino ang mas matapang, sino ang may style, sino ang natatapakan ang diskarte, sino ang mas magaling sa diskarte? Itigil na natin ang ugaling Filipino na nakita na nga kay Jessica Sanchez, dadalhin pa rin kay Manny Pacquiao. Yun bang ugaling “PAG NATALO DINAYA!”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply