Pagbubulsa sa pondo ng diocese, itinanggi ni Bishop Mercado

MARIING itinanggi ni Parañaque Bishop Jesse Mercado ang mga alegasyong ibinulsa umano niya ang mga kinita ng kaniyang pinaglilingkurang diocese.

Ayon kay Father Jerry Habunal, tagapagsalita ni Mercado, imposibleng maibulsa ng Obispo ang naturang pera dahil hindi naman ito ang personal na humahawak sa kanilang koleksiyon, bukod pa sa regular din na ino- audit ang koleksiyon nila ng finance department ng parokya.

Sa katunayan aniya, nasa Bacolod umano ngayon ang mga opisyal ng finance department ng Sta. Rita de Cassia parish sa pangunguna ng kanilang finance officer na si Father Gerry Macarinia para i-audit ang lahat ng kinita at nagastos ng parokya.

Dagdag pa ni Habunal, ayaw patulan ni Mercado ang panawagan ng anim na mga paring kasamahan nito dahil  pawang may mga personal na  isyu ang mga ito laban sa obispo.

Aniya pa, hindi kakagatin ni Mercado ang patutsada ng anim gayung mahigit 50 mga pari naman sila na nagsisilbi sa simbahan. Aminado naman si Habunal na nasaktan si Mercado sa mga ipinaparatang laban sa kanya.

Una nang sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, isang canon law expert, na sa kabila ng akusasyon kay Mercado ay mahabang proseso  ang pagdaraanan bago ito maalis sa kaniyang diocese.

Giit ni Cruz, madaling mag-akusa ngunit kailangang patunayan kung may merito ang reklamo o wala. Nais ng mga nag-aakusa kay Mercado na ipaliwanag ng Obispo kung saan napunta ang mga pondo na nakolekta ng parokay nito para sa biktima ng typhoon “Ondoy” (P1,368,236); Haiti earthquake (P168,891); Muntinlupa fire victims (P129,201); typhoon “Sendong” (P970,589); 2011 National Youth Day (P306,123); at Alay Kapwa (P399,942).

Nakasaad sa reklamo na ang naturang salapi ay inilagay sa account sa isang pribadong bangko at kumikita umano ng interes ngunit hindi nai-remit sa mga dapat na maging benepisyaryo nito.

Sinabi ni Cruz na kinakailangan pa rin muna aniyang pag-aralan ang mga letter of complaints na ipinadala kay Papal Nuncio, Archbishop Giuseppi Pinto, na siyang magpapadala ng complaint letters sa Congregation for Bishops sa Roma.

Susubukan umano ng mga Obispo na makakuha ng mga ebidensiya upang makita kung may merito para sa isang imbestigasyon. Sakaling may merito nga, maaring magpadala ng Obispo mula sa Vatican ang kongregasyon  o magtalaga ng isang local bishop na bubuo ng three-man team na magsasagawa ng imbestigasyon.

Hahanap ang mga ito ng mga dokumento, mga ebidensiya at mga testigo at kapag nakumpleto ang imbestigasyon ay ipapadala ang findings nito sa kongregasyon na siyang maglalabas ng desisyon hinggil sa kaso.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply