Pagkawala ng testigo vs GMA isinisi sa Comelec chief

SINISISI ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes sa pagkawala ng isang testigo na nagsangkot kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa umano’y pandaraya sa halalan noong 2007.

Nangangamba si Cayetano na baka humina ang kasong electoral sabotage laban sa dating Pangulo sa pagkawala ni dating Maguindanao election officer Russam Mabang.

Suspetsa ng senador na kaya nawala sa safe-house si Mabang ay maaaring umatras na ito sa pagtestigo lalo pa’t ang babanggain niya ay mga galamay ni dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano na nakapwesto pa rin sa poll body at hindi ginagalaw.

“Remember ‘yung witnesses na ito ay witnesses sa 2007 electoral fraud, eh lahat naman ng mga Hello Garci boys noong 2004 na ginamit ulit noong 2007 nandyan pa sa Comelec, na-promote pa ‘yung marami sa kanila,” dagdag pa ni Cayetano.

Hiniling ng senador sa Malakanyang na imbestigahan ang kanyang rebelasyon na marami pa sa mga galamay ni Garci ang nagtatrabaho sa Comelec at maaaring magpatuloy sa kanilang gawain na maniobrahin ang mga darating na halalan sa bansa.

“So dapat tingnan ng mabuti ng Palasyo ito dahil in the end, they will also get the blame. So tingnan nilang mabuti kung ‘yung inaasahan nilang Comelec ay ginagawa din ang kanilang trabaho na linisin ang Comelec at kasuhan ang dapat kasuhan,” giit ni Cayetano.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply