Paglikida sa mga testigo, ikinabahala ng Simbahan

NABABAHALA ang mga Obispo ng Simbahang Katolika  sa unti-unting pagpatay sa mga testigo sa karumal-dumal na Maguindanao massacre noong taong 2009.

Ayon kina Lipa Archbishop Ramon Arguelles, Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez at Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo, ang pagkakapaslang sa tatlong testigo ng Maguindanao ay indikasyon ng palpak na justice system sa bansa.

Ani Arguelles, ang pagkakapaslang sa mga testigo ay patunay din kung gaano kahina ang mga awtoridad para protektahan ang mga ito.

Naniniwala rin ang arsobispo na dahil dito ay mas lalong tatagal ang pagkamit ng katarungan sa mga biktima ng masaker dahil tiyak na matatakot nang lumantad ang iba pang testigo dahil sa pangamba sa kanilang buhay.

Kaugnay nito, nananawagan si Arguelles sa mga kinauukulan na tutukan ang problemang ito upang tuluyan nang makamtan ng mga kamag-anak ng mga biktima ang katarungan na matagal na nilang inaasam.

Samantala, iginiit naman ni Arigo na kailangan nang i-overhaul ang justice system sa bansa para mabilis na makamit ng mga biktima ng krimen ang katarungan at hustisya.

Inaasahan naman ni Gutierrez ang pagpaslang sa mga testigo ng Maguindanao massacre.

“Mahina ang ating mga awtoridad, justice system. Ano pa ang aasahan natin?” pahayag ni Gutierrez sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Una nang kinumpirma ng isang prosecutor sa Maguindanao massacre case nitong Huwebes na isa na namang prospective prosecution witness sa kaso ang pinaslang.

Ayon kay Private prosecutor Nena Santos, ang biktima ay nakilalang si Menjie Nangulamas Ubhon, 36, ng Poblacion Mother sa Shariff Aguak, Maguindanao.

Sinasabing si Ubhon at si Alijol Ampatuan, na isa sa mga prospective witnesses sa kaso na plano umanong iprisinta ng prosekusyon sa korte, ay iisa lamang.

Bukod kay Ubhon, una na ring pinaslang sina Esmail Amil Enog at Suwaib Upham na kapwa testigo sa krimen.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply