Pagpapautang ng $1-B ng PHL sa IMF, palabas lang – Bishop Cruz

PALABAS’ lang at isang kabaliwan ang hakbang ng pamahalaan na pagpapautang sa International Monetary Fund (IMF) para makatulong sa pag-bail out sa bumabagsak na ekonomiya ng Europa.

Naniniwala si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP),  na palabas lamang ito, lalo na’t sa kasaysayan ng bansa, ito ang unang pagkakataon na magpapautang ang Pilipinas ng isang bilyong dolyar at ang nakaupo pa ay isang Aquino.

“It’s a show na for the first time in the history of the Philippines ang bansa’y magpapautang ng isang bilyong dolyar at ang nakaupo ay isang Aquino, so this is a show how great the leadership is,” pahayag pa ni Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Kasabay nito, iginiit pa ni Cruz na kabaliwan ang hakbanging ito dahil ang dapat na unang tugunan ng pamahalaan ay ang problema ng Pilipinas tulad na lang ng mga batang hindi makapag-aral, mga batang naliligaw ng landas dahil sa prostitusyon at droga, kawalan ng tirahan at pagkain ng maraming pamilya, pagdami ng mga batang lansangan at pagtaas ng bilang ng forced labor, malalang kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.

Binigyang-diin ni Cruz na hindi naman masamang tumulong sa kapwa, ngunit may kasabihan nga aniya na ‘love begins at home’.

“It is also insanity, why?  Because yes, love your neighbor, but love begins at home. Hindi masama ang tumulong sa mga OFW na kailangan naman nila, pero yung isang bilyon walang magagawa yun kapag pinag-usapan ang OFW, eh nasa buong mundo ang OFW, ano ang Pilipinas tutulong sa buong mundo? Come on!  Gumising naman tayo sa katotohanan, so love begins at home, ang dami-dami ditong kulang, ang daming batang hindi makapag-aral, ang daming kabataang babaeng pinagbibili ang sarili tapos yung mga naglalako ng droga, tapos yung mga hindi makapag-aral, tapos magpapautang ka, hindi naman sinasabi na maging maramot tayo, pero kung dito maraming taong walang makain, walang tirahan, common, huwag ka naman masyadong palalo,” ayon pa kay Cruz.

Kasabay nito, iminungkahi ni Cruz sa gobyernong Aquino na tingnan kung magkano ang utang nito sa IMF na ngayon ay naglalakas-loob na magpautang pa.

“Magkano ba ang utang ng Pilipinas sa IMF, kung magpapautang ka ng isang bilyon, magkano ba ang utang ng Pilipinas sa IMF, at ngayon ang totoo niyan, kapag ang bata, isang Filipino, kapag isinilang, yung umiyak na, may utang na yun mahigit ata P50,000 isa, so medyo konti naman gising kung tayo ay nanaginip!” anang arsobispo.

Ayon pa sa Arsobispo, dapat na maging makatotohanan at magising sa panaginip ang mga opisyal at miyembro ng gabinete na nakapag-isip na magpautang ang Filipinas sa IMF para magpasikat sa kabila ng pagtatakip ng karukhaan sa bansa.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply