Pagsibak kay Corona ‘di nagpatingkad sa demokrasya – obispo

NAN INIWALA ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi nagpatingkad sa demokrasya ng bansa ang paglilitis at pag-impeach kay dating Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng CBCP,  iisang tao lamang si Corona na naparusahan at hindi pa malinaw kung ano ang ginawa nitong korapsiyon.

Matatandaang si Corona ay na-impeached dahil napatunayan lamang na hindi nito idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Net Worth and Liabilities (SALN) ang kaniyang bank accounts, na ayon naman sa dating punong mahistrado ay kinita niya sa malinis na paraan.

Sa panayam ng church-run Radio Veritas, sinabi pa ni Pabillo na isang malaking hamon sa administrasyon ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III na magawa din sa iba pang opisyal, partikular sa kaniyang mga kaalyado, ang paglilitis at parusa na ginawa kay Corona na sinasabing sangkot din sa korapsiyon.

Iginiit pa ng CBCP official na mayroon pang mga government officials na higit na corrupt kumpara kay Corona.

Aniya pa, hangga’t laganap ang korapsiyon sa Pilipinas ay hindi titingkad ang demokrasya sa bansa.

“Hindi naman magtitingkad ang diwa ng demokrasya dahil sa isang tao lang na naparusahan na hindi naman malinaw kung ano ang ginawang korapsyon,” ayon kay Pabillo.

“Tingnan natin na kung itong ginawa kay Corona ay magagawa ba sa iba kasama ang mga opisyal ng gobyerno.  Magagawa ba lalung-lalo na sa mga taong nasa administrasyon mismo?  So, hindi lang yan dapat magawa sa isang tao at sa sabihin mo na tumingkad na ang diwa kasi marami pa rin tayong mga kaso, mga  pulitiko natin na ngayon ay napakalakas pa rin ng corruption na wala namang nangyayari sa kanila,  ang mga kaibigan ni PNoy na sa sangkot din sa katiwalian,” ayon pa sa CBCP official.

Nauna rito, ipinagyabang ni PNoy sa kanyang talumpati sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan sa ika-114 na taong pagdiriwang ng kasarinlan ng Pilipinas na ang paglilitis kay Corona ang siyang nagpaigting sa diwa ng demokrasya sa bansa at nagbigay-aral sa mga naglilingkod sa gobyerno.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply