Palpak na SBMA regulatory group

BAKIT nakalusot ang Winstar Transport Corp. na kahit revoked na ang SEC registration noon pang 2003 ay nag-ooperate pa rin ito sa Subic Bay Freeport sa nakalipas na siyam na taon?

Isa lang sa maraming dahilan at Ito Ang Totoo: parang hinalong kalamay ang mga umiiral na patakaran at panuntunan ng pagnenegosyo rito at mismong mga sangay ng ahensya ay hindi nagkakaalaman, pati mga dapat na may kinalaman.

Maraming negosyo ang nasa Freeport na hindi nalalaman ng SBMA Business & Investments Group dahil kapag binigyan na ng SBMA Regulatory Board ng accreditation, wala nang pakialam dito ang una.

Halimbawa na lang nito ang mga trucking/hauling at construction companies, kiosks, etc.

Ang Labor Office ay may kapangyarihan ding magbigay ng accreditation sa mga security guard company at ang Ecology Department sa mga waste at environment-related firm.

Simple lang ang tingin natin dito: business nga pero hindi ba dapat nalalaman at may koordinasyon sa Business & Investments Group ang lahat ng ito?

Ang normal na trabaho ng Regulatory Group ay magmonitor kung sumusunod sa patakaran at pamantayan ang mga negosyong nag-ooperate na, hindi sa mga papasok pa lang dahil sa Business & Investments Group iyon.

Mahigpit nga ang Regulatory Group sa dami ng rekisitos sa accreditation pero sinasadya ba iyon para ano, para kuwan, para… alam mo na iyon?

Itong Regulatory Group ng SBMA ang isang tanggapan na dapat suriing mabuti ni SBMA Chair & Administrator Roberto V. Garcia dahil sa halip na magpagaan, pabigat pa ito sa negosyo.

Halimbawa na lang at kahit halukayin ang record nito: umaabot ng taon bago mag-isyu ng occupancy permit ang SBMA Regulatory Group sa mga ipinatayo o ipinaayos na gusali ng mga negosyo.

Inaabot din ng taon ang SBMA Regulatory Group sa pag-isyu pa lang ng building permit at installment kung magbigay ng requirements.
Bakit?

Alam mo na… ano… yung kuwan?

Kung ganito nang ganito, si Garcia ang mapuputukan bilang hepe ng nagkakandalugi at lubog sa utang nang ahensya.

Habang may panahon pa, pungusan na ng palong ang SBMA Regulatory Group at baka kapag napansin ni Pangulong Noynoy Aquino, baka pati si Chairman Garcia ay mapungos kasama ang mga board member na iba pa.

Ito Ang Totoo!

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply