Panawagan kay Juanita Petalyo at hukay-hukay

TINATAWAGAN po natin si G. Juanita Petalyo na makipag-ugnayan sa ating tanggapan ukol sa napakahalagang usapin na kanyang idinulog sa atin sa pamamagitan ng sulat.

Sa kanyang sulat, nakalimutan po ni G. Petalyo na ilagay ang kanyang address o contact number para maaksyunan sana agad natin ang kanyang mabigat na problema.

Kung sinoman po ang nakakikilala at nauugnay kay G. Petalyo, pakisabi naman po sa kanya na tumawag sa ating cellphone number 09214303333.

Maraming salamat po sa inyo.

KINALKAL NA KALSADA, ATBP.

Sa paglalakad natin sa iba’t ibang lugar, napansin natin ang napakaraming hukay at gawa sa mga kalsada.

Kung hindi mismo ang kalsada ang hinuhukay o ginagawa, drainage naman o tulay.

Bumababa tayo, mga Bro, sa ating sasakyan kung natatrapik tayo at tinitingnan natin ang mga kapaligiran ng mga proyekto.

WALANG PETSA

Alam ba ninyo ang isa sa ating napansin sa mga karatula para sa mga proyekto?

Karamihan ay walang target date o petsa para sa pagtatapos ng mga proyekto.

Sinasadya ba ito?

Mahalaga ang petsa kung kailan matatapos ang mga proyekto upang malaman ng mga biyahero ang kanilang mga gagawin.

Una, maiwasan nila ang matrapik sa lugar at makakita ng mga daan na pupuwede nilang lusutan o daanan.

Ikalawa, mapaplano nila ang mga hakbang na gagawin ukol sa mga biyahe gaya ng oras na gagamitin o uubusin sa paglalakbay.

Mahalaga ang lahat ng ito sa mga pumapasok sa trabaho o eskwela, sa naghahatid ng mga produkto at serbisyo at sa mga pampasaherong sasakyan na oras ang isang mahalagang usapin sa paglalakbay.

DELIKADONG MGA PROYEKTO

Karamihan sa mga proyekto ang walang early warning device kumbaga sa sasakyan.

Ang daming nadidisgrasya na sasakyan dahil sa mga ito lalo na sa mga lalawigan.

Akalain mong ang mga babala ay mismong mga tambak mula sa mga hukay o nakatayong mga dos por dos sa mga hukay mismo.

Wala ring kahit “slippery when wet” sa mga detour sa mga ginagawang tulay.

Dahil sa kawalan ng mga babala, huli na kung matagpuan mo ang iyong sarili na na-shoot na sa mga hukay o lumundag sa mga tambak o nahulog mula sa mga temporary na mga daan o detour.

Ang mga inaaspalto ay wala ring babala at marami sa mga ito ang nadudulas.

NAGAGANAP SA GABI

Napapansin natin na karaniwang nagaganap sa gabi ang mga disgrasya.

Napakarami kasi sa mga proyekto ang walang ilaw.

O hindi nababagay sa gabi ang mga ginagawang babala at sa araw lang nakikita.

Hindi rin nililinis ng mga kontraktor ang mga iniiwanan nilang mga proyekto at sa dami ng mga buhangin at graba sa paligid, sumesemplang ang mga motor at nababalewala ang mga preno ng mga may maraming gulong na sasakyan.

Gabi o araw, nagaganap ang mga disgrasya dahil sa mga mabuhangin, magraba o maputik na kalsada.

IKAW PA ANG MAY SALA

Ang masakit, ikaw pa ang sisisihin kung nadisgrasya ka sa kawalan mo umano ng ingat sa pagmamaneho o pagbibiyahe.

Kung magdemanda ka naman, kailan matatapos ang kaso?

Baka abutin ng 20 taon gaya ng nangyayari sa maraming kaso gaya ng Vizconde massacre.

At kung DPWH mismo na isang nasyonal na ahensya ang idedemanda mo, makakayanan mo bang kalabanin ang gobyerno?

Ang lokal na pamahalaan at mga kontraktor, mas madaling idemanda.

Kaya lang, baka ubusin lang ng abogado ang pera mo at sa huli ay wala ring mangyayari.

Karamihan yata kasi ng mga huwes na humahawak sa mga kaso ay KKK ng mga kongresman, gobernador at mayor na nagpapagawa ng mga proyekto.

SAPAT NA BABALA

Sapat, bagay at nasa tamang puwesto dapat ang mga babala.

Dapat na may sapat na distansya ang mga babala mula sa mga proyekto upang makapag-ingat ang mga motorista at naglalakad na mamamayan.

Kung walang ilaw o tao kaya na nagbabantay lalo na sa gabi, dapat na mayroon man lang reflectorized na babala.

Ito’y malinaw na nakikita ng mga naglalakbay lalo na ang mga may ilaw.

Malas na lang ang mga hindi gumagamit ng ilaw at nagdedepende lang sa diskarte at alerto.

NINANAKAW ANG MGA BABALA

Sabi ng mga may proyekto, may sapat naman umanong mga babala.

Kaya lamang, marami umano ang mga kawatan sa lugar o manlalakbay.

Tinatangay umano ang mga inilalagay nilang mga babala na plywood, bakal, kahoy at iba pang gamit.

Naalaala tuloy natin ang mga ninanakaw na gamit laban sa mga baha, lindol at pagsabog ng mga bulkan.

Ninanakaw ang mga ito para lang ipakilo o i-convert sa pangangailangan ng mga kawatan.

DAKPIN AT IKULONG SILA

Dapat sigurong makilala agad ang mga tarantadong kawatan.

At kung makilala sila, dapat silang dakpin, ikulong at kasuhan agad.

Ang problema ay kung paano darakpin, ikukulong at kakasuhan ang mga kontraktor, mayor, gobernador at kongresman na pabaya sa kaligtasan sa kanilang mga proyekto.

Sey n’yo, mga Bro.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply