Pandurugas ng Globe Telecom tuloy — Platinum

TULOY ang matagal nang inirereklamo ng mga konsiyumer na Echo-System ng Globe Telecommunications.

Base sa sumbong na ipinarating sa Remate ng Globe Platinum member na tumangging ipabanggit ang pangalan, mahigit isang taon na nito umanong inirereklamo ang dispalinghadong sistema ng komunikasyon ngunit nagsilbing inutil ang higanteng telecom company.

Ang Platinum member ng Globe ay itinuturing na VIP sa mga kliyente nito na nag-aakyat ng malaking benta sa kanilang negosyo.

Madalas umano na lumalaki ang charges ng kanyang Post Paid plan dahil sa nangyayaring Echo system ng Globe.

Aniya’y “Ito yung sitwasyon na kapag may tinawagan ka sa cellphone mo ay sarili mong boses ang maririnig mo, kung saan kadalasan ay aakalain mong may kausap ka na pero sariling echo ng boses mo lang pala ang naririnig mo.”

“Siyempre kapag nagsalita ka ng ‘hello’ sa cellphone ay aasahan mo ring ‘hello’ ang isasagot sa’yo ng tinawagan kaya minsan ay nakasasampung ‘hello’ ka na wala pa rin kayong napag-uusapan yun pala ay sariling boses mo ang naririnig mo,” dagdag pa nito

Nabatid na hindi lamang sa mga postpaid account nangyayari ang naturang sistema kundi pati na rin sa mga prepaid subscriber.

Sa kasalukuyan, P8 per minute ang charge ng Globe sa prepaid call kung saan kapag echo ang narinig at awtomatikong bawas kaagad ng 1 minute ang iyong prepaid load.

“Isipin na lang natin kung sakaling 30 milyon ang Filipinong subscriber na nakararanas ng Echo system ng Globe… 1 minuto na lang isang araw kada subscriber sa halagang P8 ang nawawala sa kanila, P240 milyon kaagad ang kita ng Globe na ninakaw sa taumbayan na walang kalaban-laban,” galit pang sambit nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply