Panibagong kasong libelo isinampa ni Boy Asistio vs Annabelle Rama

NAGSAMPA muli ng panibagong kasong libelo si dating Caloocan City Mayor Macario “Boy” Asistio, Jr. laban sa talent manager na s Annabele Rama sa Caloocan City Prosecutor’s Office dahil umano sa mga nakasisirang pahayag nito sa pamilya ng dating alkalde.

Ang pagsasampa ng panibagong reklamo ni Asistio laban kay Rama ay matapos ang pagpapalabas ng arrest warrant sa talent manager ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) dahil sa 14 counts of libel.

Kasama ni Asistio na nagsampa ng kaso ang live-in partner nito na si Nadia Montenegro, panganay na anak na si Ynna at ang abogado nitong si Marie Glen Abraham sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Rowena Alejandria.

Napag-alaman na humihingi ang kampo ni Asistio ng P10 million danyos kay Rama dahil sa mga ginawa nitong mapanirang pananalita na nakaapekto umano sa pamilya ng dating alkalde.

Matatandaan na nitong kalagitnaan ng buwan ng Mayo ay nagsampa na rin ng kasong libel at unjust vexation ang dating alkalde kay Rama dahil sa malisyosong pahayag ng talent manager sa pamilya Asistio.

Ayon pa kay Asistio, hindi nito papayagan ang sinuman na siraan sila sa publiko at ang pinakahuling kaso na isinampa nito kay Rama ay dahil sa sinabi ng talent manager sa pamilya ng dating alkalde na “nothing but garbage.”

Nasaktan din umano si Asistio sa sinabi ni Rama  na hindi siya ang tatay ng mga anak ni Montenegro dahilan upang tuluyan itong magsampa ng panibagong kaso laban sa dating talent manager ng kanyang anak na si Ynna.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply