Partylist hindi na alphabetical– Comelec

INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na magiging alphabetical ang pagkakasunud-sunod sa balota ng mga pangalan ng mga party-list group na kakandidato sa eleksiyon sa susunod na taon.

Alinsunod sa Resolution No. 9467 na na-promulgate ng Comelec noong Hunyo 15, hindi na awtomatikong mauuna sa listahan sa balota ang pangalan ng mga party-list groups na ang pangalan ay nagsisimula sa letrang A o Number 1.

Sa halip, ira-raffle na lamang umano ng poll body ang mga pangalan ng mga accredited party-list group upang matukoy ang pagkakasunud-sunod ng lista ng kanilang mga pangalan sa 2013 official ballot.

Nilinaw naman ng Comelec na tanging ang mga party-list group na accredited o duly registered sa Comelec lamang ang maisasama sa raffle.

Nabatid na ang raffle ay isasagawa dakong 1:30 ng hapon sa Disyembre 14, 2012 sa session hall ng Comelec headquarters sa Intramuros, Manila, gamit ang raffle drum o tambiyolo na may mga bolang nilagyan ng numero.

Ayon sa Comelec, ang bilang sa mga bola ay kakatawan sa party-list group at ang pagbola sa mga ito ay isasagawa ayon sa order of listing sa balota, na nangangahulugang ang unang bola (party-list group) na mabubunot ay siya ring mauuna o magiging number 1 sa balota.

Isasagawa ang pagbola hanggang lahat ng bola ng mga party-list group ay mabunot na.

Matatandaang ang mga party-list group ay pumipili ng pangalan na nagsisimula sa letrang ‘A’ o Numero 1 upang mauna sila sa listahan sa balota, sa paniwalang mas makalalamang sila sa kanilang mga katunggaling kandidato dahil marami umanong botante ang tinatamad nang tingnan ang listahan ng mga partylist group at ibinuboto na lamang kung alin samga ito ang nauuna sa listahan.

Nabatid na noong taong 2010 polls, may 28 na party-list groups ang iprinoklama ng Comelec na nanalo sa eleksyon at ang pangalan ng 15 sa mga ito ay nagsisimula sa letrang A habang ang isa naman ay nagsisimula sa bilang na 1.

Ganito rin umano ang nangyari sa apat na nauna pang eleksyon kung saan halos kalahati ng mga nananalong party-list groups ay may pangalang nagsisimula sa letter A habang ang iba naman ay nagsisimula sa letter B.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply